Sa ayaw mo at sa gusto, diretsahan man o hindi, pera nga talaga ang nagdidikta sa mundo. Kung wala kang pera, kalimutan mo nang magkaroon ng mga "karangyaan" tulad ng kotse, computer, paggamit sa Internet, pag-inom ng frapuccino, pagbili ng mamahaling damit, libro, at kung anu-ano pa. Isipin mo na lang ang pangaraw-araw na pangangailangan: damit, tirahan, at pagkain.
Subalit sa panahon ngayon, karamihan sa atin ay hindi na kuntento sa pamumuhay na ganyan. Kailangan pag may telebisyon tayo'y nakacable: parang napakalimitado na kung mga lokal na palabas lamang ang mapapanood natin. Kung dati'y sa National Bookstore namimili, ngayon nama'y sa Powerbooks na o sa Page One. Kahit nga sa pagpili sa pampublikong sasakyan ay ganito rin ang eksena. Bakit ka pa magdidyip, kung may pampalamig naman sa FX? Kung dati'y walang paraan ng komunikasyon kung hindi ang mga nagkalat na pulang pampublikong telepono ng PLDT na ang kailangan mo lang ay tatlong beinte singko, naging mas maunlad na ang mga Pilipino. Nagkaroon ng naglalakihang cellphone, hanggang sa nagkaroon ng mga pager, hanggang sa paliit na ng paliit ang mga cellphone na hawak-hawak ng bawat Pinoy. Imbis na tatlong beinte singko ang hinahanap, mga cell card na ang hinahagilap.
At sa lahat ng ito, palaki ng palaking salapi tuloy ang kinakailangan ng bawat tao upang mabuhay sa araw-araw. Hindi na lamang pantawid gutom ang pinapagkayod ng mga tao, kung hindi kasama na rin ang mga karangyaang ito. Subalit alam ninyo kung ano minsan ang nakakapagtaka? Sa lahat ng pagsasabing naghihirap ang mga Pilipino, lalo namang nagsusulputan ang mga pinaggagastusang ito.
Yan nga siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang pagreklamo natin tungkol sa pera. Hindi lumalaki ang ating kinikita, subalit parami ng parami ang mga paraan upang gastusin ang karampot na mga sweldo. Siyempre nga naman, kung wala kang pera't marami ka pang mga kailangang bilhin, marami pang mga bayarin na kailangang bayaran, malamang sa alamang ay maookupa ng utak natin ang pera, at kung paano makakakuha nito.
Maganda sigurong makahanap tayo ng mga kaligayahan na hindi lamang makukuha dahil sa pera. Baka mas madali, at masayang mabuhay, kung ganoon.
Hay, ang sarap makabalik sa pagsusulat dito. Wala kasi ako sa bahay buong araw sapagkat sa kauna-unahang panahon na naaalala ko, ipinagdiwang ng buong Pilipinas ang Hariraya, o ang pagtatapos ng Ramadan (hmm..tama nga ba ang pagkaintindi ko sa Hariraya?). Dahil dito, walang pasok ang lahat ng mga tao. Ang nakakabagot lang sa naging paglabas namin kahapon ay napakaraming tao talaga ang nagpunta sa mga mall. Siyempre nga naman, kukunin na nila ang pagkakataong ito upang lumabas kasama ng pamilya at kaibigan, o dili kaya'y mamili para sa nalalapit na kapaskuhan. Napakahirap tuloy maghanap ng mapaparadahan kahapon, at naturalmente pa, pauwi ng bahay ay napakasiksikan sa kalsada. Kabi-kabila ang mga sasakyan; mapakotse, dyipni, o bus man ito.
Gayunpaman, masaya pa rin ang naging paglabas ko kahapon. Bukod sa kasama ko ang pamilya ko, nagkaroon din ako ng pagkakataon na makipagkita sa aking mga kaibigan, na sumama rin sa bahay pauwi. Bihira rin kasing magkaroon ng ganitong mga panahon sapagkat alam ninyo namang karamihan talaga ng mga tao'y abala, hindi lamang sa trabaho, kungdi pati na rin sa lahat ng mga preparasyon para sa pasko.
At dahil nabanggit ko na rin lang ang pasko...isang linggo na lang ay pasko na! Handa na ba kayo?
Naaalala mo pa ba yung brick game? Sumikat yan dito sa Pilipinas mga walong taon na ang nakakaraan. Yan yung parang game boy, na pwede mong dalhin kung saan-saan, yun nga lang, ang pwede mo lang malaro ay ang Tetris. Halos lahat ng tao ay meron nito noon. Paramihan pa ng kung ilang laro ang nasa loob ng nabili mong brick game. Merong isa lang, merong tatlo, meron namang umaabot pa ng siyamnapu't siyam na laro sa iisang laruan lang!
Binebenta ito noon kung saan-saan. Sa Baclaran, Divisoria, SM, Glorietta, kahit sa labas lamang ng simbahan pagkatapos ng misa ay makakakita ka na nito! Bata, matanda, babae, lalaki..lahat ng yan ay marunong maglaro ng tetris. Dala-dala din kahit saan, laluna kung ika'y namamasahe at natatrapik. Maganda nga namang libangan habang naghihintay ka at walang magawa.
Ha? Disyembre 16 na pala? Ni hindi ko namalayan na dalawang araw na pala ang nakalipas mula nang sinulat ko ito. Nagsimula na pala ang simbang gabi kaninang umaga habang natutulog ako nang mahimbing. Ang lamig kasi ngayon eh..ang sarap tuloy matulog. Ang sarap magtalukbong ng kumot at ipagpatuloy ang masarap na tulog.
Kaya ngayon pa lang, alam ko nang hindi ko makukumpleto ang siyam na araw ng Simbang Gabi. Ang tanong ng bayan: magising kaya ako para sa natitirang walong araw? Kung pagbabasehan ang mga nakaraang taon, mukhang malabo yata ito! Sige, sasabihin ko na lang kung sakaling makapagsimbang gabi ako kahit minsan.
Hahaha, nakakatuwa naman ito! Pwede mo palang makita ang Google sa Tagalog! Yun nga lang, Taglish siya, pero nakakaaliw pa din. Imbis na "I'm feeling lucky" ang nakalagay, ginawa nila itong "Maganda ang Kutob ko." Nakakatawa, hindi ba?
Kapag nagpupunta kami sa mall ng kapatid ko, meron kaming napapansin. May dalawang uri ng tao: ang mga tumatabi kapag nakakasalubong mo, at ang mga HINDI tumatabi. Dahil siguro ayaw naming maging bastos, palagi kaming tumatabi, umiiwas, at naghihiwalay kapag meron na kaming makakasalubong na maaring makabangga. Kadalasan kasi, halatang-halata mo na walang kabalak-balak ang mga taong tumabi kahit na may nakikita na silang paparating.
Bakit kaya ganito? Talaga bang wala silang pakialam kung may mabangga sila (laluna kung siksikan sa loob ng pamilihan)? O baka naman kaya sila ganito ay inuunahan na namin sila agad sa pag-iwas kaya sila'y dire-diretso na lamang?
Mukhang sira na nga yata ang pamamaraan ng pagbigay ng komenta. Kung gayon, hanggang wala akong makitang alternatibo, ididiretso ko na lang yan sa aking guestbook. Hay, saan kaya ako makakakita ng isa pang katulad na sistema? Natutuwa pa naman ako sa bahagi ng blog na iyan.
O siya, sa iba namang usapin...dalawang araw na lamang ay magsisimula na ang Simbang Gabi, o ang mga Misa de Gallo. Ni minsan ay hindi ko pa nakumpleto yan. At sa totoo lang, minsan ko pa lang yan nagawa. Noong bata pa ako't ginigising ako upang sumama, nagagawa ko pa siya. Subalit noong lumaon at tumanda na ako, nang nagkaroon na ako ng mga dahilan para hindi sumama (katulad ng pagpasok sa paaralan), lalunang dumalang ang aking pagpunta rito.
Noong nakaraang taon, isang beses lamang ako nagsimbang gabi. At bagamat hindi ko nga ito madalas na nagagawa, nakakatuwa pa rin talagang sumunod sa tradisyong ito. Sa palagay ko, sa pagsimbang gabi, hindi lamang ang pagiging Katoliko ang nararamdaman ko, kung hindi pati na rin ang pagiging Pilipino. Ang saya ring makita ang mga taong bagong gising pa lamang na dumadalo sa misa sa malamig na umaga. Parang buhay na buhay din ang pagiging pasko kapag naamoy mo na ang bibingka at puto bumbong na naghihintay sa labas ng simbahan. Baka nga merong iba na nagsisimbang gabi para lang dito eh. *Ahem*
Ngayon tuloy ay napapag-isip ako...subukan ko kayang magsimbang gabi? Ang hirap nga lang talagang gumising eh, at hindi ko rin alam kung sino ang makakasama ko. Abangan.
Oo nga pala, bago ko makalimutan. Kung gusto ninyong malaman ang pinagmulan ng mga tradisyong ito, may magandang artikulo si Ambeth Ocambo tungkol dito.
Naku, sira yata ang paraan ng pagbibigay ng mga komento sa ngayon. Konting pasensiya lang, siguro nama'y maaayos din yan. Sinubukan ko din kasing puntahan ang iba pang mga pahina na gumagamit ng parehong sistema, at pati sila'y may problema, kaya malamang, ang problema'y nasa tagapagbigay ng serbisyo.
Nanood ako ng The Weakest Link kanina, at sobrang nakakatawa talaga ang ilang mga hirit ni Edu Manzano habang tinatanong niya ang mga naglalaro pagkatapos ng isang hanay ng katanungan. Dahil dito, nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga ito.
Sino sa inyo ang nangangaroling na mag-isa?
Sino sa inyo and hindi dinadalaw ni Santa Claus?
Sino sa inyo ang pundido na ang ilaw?
Sino sa inyo ang kumakanta ng Silent Night kapag Marso?
At ang paborito ko:
Sino sa inyo ang umaasa pang magbalikan si Bot at Vi?
Noong bata pa ako, sa tuwing pag-uwi ko galing sa iskuwelahan, kakain na ako ng tanghalian. At pagkatapos nito, manonood na kami ng inaabangan naming programang pinamagatang...*dyan dyararan!* Yagit! Naalala ko pa ang pagtutulak nila Jocelyn at Tom Tom ng kanilang kariton, ang pagiging kontrabida ni Zeny Zabala sa kanila...hindi ko na nga lang masyado maalala kung ano nga ba ang kwento talaga ng buong soap opera na ito, pero tandang tanda ko pa na gusto ko talaga ito. Sa katunayan nga, pati ang isinapelikulang bersiyon nito'y pinanood ko rin. Kaya siguro tuwang-tuwa ako noong magpunta ako sa Batangas at nakasakay ako sa isang kariton sa bahay ng ninong ko don!
Kung napansin ninyo, nagpalit na ako ng itsura ng pahinang ito. Wala kasi akong magawa ngayong gabi, kaya nagpasya akong maglaro muna at mag-eksperimento sa HTML. Awa ng Diyos, maayos-ayos naman ang naging kinalabasan yata. Salamat nga pala kay Pen at Joy na nagboluntaryong tulungan ako sa paggawa ng isang bagong template. Kung meron kayong suhestiyon upang mapaganda pa ito, bukas loob ko itong tatanggapin, laluna pagdating sa larawang maari kong ilagay sa taas. Medyo hindi ko kasi gusto pa ang pagkakagawa ko sa larawang iyan, pero pwede na sigurong pagtiyagaan sa ngayon.
Ano sa tingin mo?
Pasunod: [12.12.2001] Pinadalhan na ako ni Pen ng napakagandang larawan para sa pamagat!! :) Yehey!
Ulan, ulan, ulan..wala na namang tigil ang ulan. Pinapalamig lalo ang Disyembreng gabi. Pinapatunog ang bubong, at pinapasarap ang tulog ng lahat. Kay sarap nga naman dahil nandito na ako sa aking kwarto, komportable at walang iniintindi. Ano kaya ang epekto ng parehong ulan na ito sa mga mas kapus-palad nating mga kababayan?
Marahil sila'y giniginaw, nakabaluktot sa ilalim ng kanilang mga maninipis na kumot. Naghahanda ng mga lata at timba upang itapat sa mga butas ng kanilang tagpi-tagping bubong. Nagkukumpulan upang makadama ng kaunting init sa isang napakalamig na gabi. Itinatabi ang mga gamit upang hindi mabasa, sakaling pasukin ng tubig at putik ang kanilang barong-barong. O baka nagsasaya rin sila?
Marami-rami na rin ang nagsasabi na medyo malalim daw ang Tagalog na nababasa dito sa pahinang ito. At sa kabutihang-palad, hindi naman ito panglalait, kung hindi may bahid pa ng papuri, kung kaya't natutuwa talaga ako sa mga naging positibong komento sa mga guni-guni.
Dahil na rin dito, napapag-isip din ako kung bakit nga ba naging napakasarap, at napakadali din, para sa akin ang pagsulat sa wikang Filipino para sa blog na ito. Kung tutuusin, sa pangaraw-araw na pananalita naman ay hindi ganito ang aking mga pangungusap. Subalit dito sa blog na ito, naibubuhos ko ang aking pagkagustong magsalita ng purong Filipino. At sa isang hindi inaasahang pagkakataon, natagpuan ko ang hinahanap kong kasagutang sa programa ng isang dulang napanood ko kamakailan. Ayon kay Jovy Peregrino, ang nagsalin ng dula mula sa Ingles sa Filipino, "Ipinakita ng saling bahagi ng dula ang katotohanan ng damdamin at nadarama ng isang karakter. Maging sa tunay na buhay, ganito ang lipunang Pilipino. Maraming gumagamit ng artipisyal na wika para madaling ipahayag ang pagpapapanggap. Ngunit walang higit na makapangyarihang wika para sumalamin sa tunay na nadarama kundi ang wikang pinakamalapit sa puso ng nagsasalita."
Sa palagay ko'y yan na nga talaga ang pinakaangkop na paglalarawan sa anong nararamdaman ko sa tuwing nagagamit ko ang ating wika sa pagsulat dito sa Mga Guni-Guni. Sa panahong kadalasan ay magkahalong Tagalog at Ingles ang naririnig natin mula sa ating mga bibig, natutuwa na rin akong kahit sa pagsulat man lang, magamit ko ng tuwid at matapat ang wikang ating dapat mahalin.
Bakit ganoon? Napakadaling magsayang ng oras. Kapag may kailangan kang gawin, napakadaling ipagpaliban ito upang maglibang sa mga bagay na hindi naman kailangan. Nandiyang mapunta ka sa kung anu-anong sulok ng Internet. Nandiyan din namang maupo ka sa harap ng telebisyon, at hindi mo namamalayang napakarami na palang patalastas at programa ang napapanood mo. Gayundin naman ang pakikipagtelebabad, laluna kung masaya rin ang kausap mo.
Subalit kapag trabaho na ang pinag-uusapan, palaging pahirapan. Palaging nararamdaman ang pagod, ang pagkabagot. Palaging may dahilan upang huwag muna itong gawin. Palaging ipinagpapalit para sa mga bagay na mas kaaya-aya. Dahil totoo nga naman, sino nga ba naman ang hindi matutuksong iwanan na lamang muna ang kailangang gawin para sa mga bagay na mas madaling gawin, na mas nakakatuwa. Masuwerte ka nga lang kung talagang masaya ka sa trabaho mo, at parang iisa lang ang trabaho at pagsasaya.
Pero hindi naman tayo'y lahat ganon, hindi ba? Nakakatawa nga eh. Sa dinami-dami ng oras na nasa bahay lamang ako, paminsan, parang kulang na kulang pa din para sa lahat ng mga bagay na gusto kong gawin. Parang kulang pa ang oras ko para sa pagbabasa, pag-ayos ng bahay, pag-Internet, pagnood ng telebisyon, pagkausap sa mga kaibigan ko, pagsusulat, at sa kung anu-ano pang pwede kong gawin. Minsan nga, naaalala ko ang larong The Sims. Kahit na nasa bahay lamang ang taong ginawa ko doon, kulang pa din ang oras niya upang makapag-aral magluto, makapag-ehersisyo, maligo, manood ng tv, at kung anu-ano pa.
Pero sa ating mga tao...kulang nga lang ba talaga ang oras natin, o masyado lang tayong madaling magpadala sa mga tuksong nasa harapan natin? Hindi lang ba talaga tayo marunong gumamit ng oras sa tamang paraan upang magkaroon ng panahon sa lahat ng mga kailangang gawin?
Alam ninyo, hindi ako magaling gumawa ng pahina dito sa Internet. Malamang naman ay sobrang halatang template lamang na medyo kinumpuni ko ng konti ang gamit ko sa ngayon. Meron bang mabait diyan na may oras na gawan ako ng isang magandang template? Lubos akong magagalak kung magagawa ninyo ito. Konting tulong lang, kung maaari. Salamat!
Noong bata pa ako, naaalala kong may sinabi sa akin ang kapatid ko na sobrang pinaniwalaan ko. Ayon sa kanya, pagsapit ng hatinggabi, may isang sulok ng bahay namin na nagbubukas, at maari kang bumaba sa pamamagitan ng isang hagdanan. Pagbaba mo, meron daw roong isang soda shop, kung saan nandoon sina Barbie at Ken, at kung sinu-sino pa. Kasinglaki sila ng tao, buhay, nakikipag-usap, at nakikipagsaya. Sabi rin ng ate ko na may daan mula sa bahay namin hanggang sa bahay ng isa pa naming kalaro sa ilalim ng aming mga bahay.
Nung mga panahon na yon, kitang-kita ko talaga sa utak ko ang mga eksenang yon. Nakikini-kinita ko na ang mangyayari, at tunay na inaabangan ko ang hatinggabi upang makababa sa mahiwagang sulok na iyon at makipaglaro sa mga totoong manyika. Subalit dahil mga pitong taong gulang pa lang ako noon, siyempre'y hindi ako pinapayagan na magpuyat. Bukod dito'y hindi ko pa rin kayang matulog ng ganoon kagabi, kung kaya't maaga pa lamang ay tulog na ako. Dahil dito, tuwing araw ay inaabangan ko na namang muli ang hatinggabi, sa pag-asang makita ko nga ang mundong iyon.
Subalit nang lumaon na at hindi ko na nakita yon, unti-unti kong napag-isip na marahil nga'y hindi totoo yon. Hindi totoong nagbubukas ang sahig pag hatinggabi upang makapunta sa mundo nila Barbie. Hindi rin totoo na nabubuhay sila pag hatinggabi. Ngunit sa aking utak, nandoon pa rin iyon palagi. Nasa imahinasyon ko pa rin na maaaring mangyari yon.
At hindi ba't minsan, ang sarap lang talagang paganahin ang imahinasyon upang makita at maranasan ang mga bagay na hindi mo talaga makakamit sa totoong buhay?
Karoling Alam ninyo, isa siguro sa mga nakakainis na bahagi ng pasko dito ngayon ay ang pangangaroling. Bago ninyo ako batuhin, sasabihin ko lang na nung bata ako, nangaroling din ako. Kasama ng mga kapitbahay ko, naglibot din kami sa aming barangay, nagkakakanta ng mga kantang pamasko, dala-dala ang ginawa naming instrumento. Karaniwan, ito'y isang alambre na sinabitan ng mga tansan, na kinakalansing upang makagawa ng tunog. Naaalala ko pa na noon, nag-eensayo pa kami upang mapaganda ang pag-awit namin. Nangangaroling kami dahil sa natutuwa kami sa ginagawa namin at nagkakasiyahan kaming magkakalaro sa pagkanta sa bahay-bahay.
Ngayong nasabi ko na iyan, napansin ko lang na ngayon, parang hindi na ganyang uri ng pangangaroling ang nagaganap sa ngayon. Para bang nangangaroling sila hindi upang ipamahagi ang diwa ng pasko, ngunit para na lamang ginagawa nila ito upang makahingi ng mamera sa mga maybahay. Kung kumanta'y pasigaw. Kapag hindi naman narinig, katakot-takot na timbre ang gagawin upang mapansin. Kadalasa'y isa o dalawa na lamang ang maririnig na kumakanta, at napakarami ring ang bastos sa kanilang pangangaroling. Hindi tuloy nakakapagtaka kung bakit maraming bahay ang humihingi na lamang ng patawad sa mga nangangaroling na ito. Palibhasa, karaniwan ay hindi ka naman matutuwa sa pinaggagagawa nila. Kung sana'y mararamdaman mo ang tunay na diwa ng pasko sa kanilang mga kanta, disinsana'y mas maluwag sa puso ang magiging pagbigay ng aginaldo sa mga batang ito.
Oo nga pala, bago ko makalimutan. Salamat sa mga taong bumibisita dito sa Mga Guni-guni. Sana nga, kahit papaano, ay nagiging interesante para sa inyo ang pagbasa sa mga minumuni-muni ko. Huwag din kayong mag-atubiling i-link ako sa inyong mga sari-sariling site, kung saka-sakali lamang na sa palagay ninyo'y sulit naman ang inyong panahon na ginugol sa pagbasa dito.
Napanood mo na ba yung patalastas ng Sprite? Yung Salaminkero ka ba? Tinamaan ako don eh. Pag napapadaan ako sa salamin, palagi talaga akong napapatingin. Hindi naman talaga dahil sa vanidosa ako at gusto kong mapatunayan na maganda ako. Sa totoo lang, kadalasan nga, kabaligtaran pa eh. Minsan, ito ay dahil lang gusto kong malaman kung maayos pa ba ang itsura ko. Minsan naman, dahil gusto kong tingnan kung mukha na ba akong mataba, kung pangit na ba ako, kung hindi pa ba ako kahiya-hiya. Tinitingnan ko at sinusuri at iniisip kung ano nga ba ang nakikita ng ibang tao sa akin.
Pero kahit anong gawin ko, kahit anong tingin ko, hindi pa rin ako mapalagay. Hindi ko pa din alam kung ano ang tingin sa akin ng ibang tao. At kahit ano pang sabihin ko na hindi ko dapat intindihin yon, at ang importante lang ay masaya ako sa sarili ko, hindi ko pa rin maiwaksi sa utak ko ang isipin kung ano ang tingin sa akin ng ibang tao.
Kung pwede nga lang sanang malaman kung ano talaga ang iniisip ng mga taong nakakasalamuha ko. At hindi lamang sa panglabas na kaanyuan ah. Bukod dito, gusto ko ring malaman kung sa tingin ba nila ay mabait ako, madaldal, nakakainis, nakakaasar, nakakatuwa, nakakahiya, o anupaman. Siguro nga minsan wala lang talaga akong tiwala sa sarili ko, kaya sumasagi ang mga ito sa utak ko.
Subalit marahil nga ay may dahilan talaga kung bakit hindi natin ito maaring lubusang malaman. Dapat talaga tigilan na ito.
Disyembre na naman. Parang hindi kapani-paniwalang magtatapos na naman ang isang buong taon. Lumalamig na din ang simoy ng hangin. Minsan nga, parang ayoko pang buksan ang bentilador dito sa aking silid eh, gayung karaniwan nga, kailangan nakatodo pa ito para lamang mas maging komportable ng kaunti dito.
Naglalabasan na din ang mga parol at mga palamuti na dati'y naaalikabukan lamang sa loob ng aparador. Abala na ang lahat ng tao sa pamimili ng mga regalo para sa mga kaibigan, kamag-anak, inaanak, kaopisina, kaklase, at kung sinu-sino pa. Nagsisihabaan na ang pila sa mga department store. Lumiliwanag na naman ang mga kalye, hindi dahil sa nagdagdag ng ilaw sa daan ang munisipyo, kung hindi dahil sa mga kumukutikutitap na christmas lights na nagsabit sa bubong, gate, puno, pati na rin sa harap, likod at gilid ng mga bahay bahay.
Sana lang talaga ay maging tunay na masaya ang pasko ng bawat Pilipino, at hindi lamang limitado sa mga panglabas na kaanyuan ng kasiyahan.
Bakit ba hindi pwedeng ang mga palatuntunan natin sa telebisyon ay maging mas matino? Hindi sa gusto kong manggaya sila sa mga Amerikano, pero aminin mo man o hindi, mas maganda ang pagkakagawa ng mga programa nila. Isa nga sa mga pinakaiinisan ko dito ay ang mga sitcoms natin. Sayang nga, kasi alam ko na may mga magaling naman tayong komedyante. Yun nga lang, parang palagi na lang nauuwi sa slapstick, o kaya'y sa pagpokus ng kamera sa mga babaeng kakarampot lang ang suot. Buhusan ng tubig, sapakan, at kung anu-ano pa. Hindi ba pwedeng mas maging intelihenteng sitcom ang magkaroon dito sa Pilipinas? Yun bang ang pagpapatawa ay dahil sa mga dayalogo, at sa mga aktuwal na nakakatawang sitwasyon?
Ang ganda naman ng araw ko ngayon. Napakalumanay, at walang anumang bumagabag sa akin. Isa na yata ito sa mga pinakamagandang araw sa mahabang panahon. Nabawasan na ng kaunti ang problemang pampamilya, kaya sa bungad pa lamang ng umaga, maliwanag na maliwanag na. Hindi naman sa may nangyaring tunay na kakaiba ngayon, subalit kakaiba talaga ang pakiramdam kapag nabawasan ang problema. Bukod pa rito, walang masyadong ginawa ngayon. Nanood, nagbasa, nagsaya kasama ang pamilya, kinausap ang kasintahan...wala na akong mahihiling pa. Tunay ngang isang magandang araw ito. At sana nga'y marami pang ganito sa darating na panahon.
Sana kayo din, naging kasingsaya ngayong araw na ito.
Aba, kasama na pala ako sa Rice Bowl Journals. Isa lang ang masasabi ko. Gusto ko talaga ang konseptong ito. Hindi naman sa sumisipsip ako..hindi naman kailangan yan dito, pero sa totoo lang, nakakaaliw na pagsama-samahin ang mga blog ng iba't ibang Asyano. Nakakaaliw, di ba?
Hay, ang hirap din talaga pag nasobrahan ka sa tulog, ano? Parang ang bigat din ng ulo mo, at hindi ka din makapagtrabaho. Hindi na din kasi ako sanay na masyadong mahaba ang tulog eh. Karaniwan, nagigising ako ng mga alas otso o kaya alas otso y medya. Kaya ngayong nagising ako ng halos alas diyes na, ang sakit tuloy ng ulo ko. Dapat talaga, yung sapat lang ang tulog mo. Pero parang ang sarap isipin na tanghali na nasa kama ka pa, di ba?
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong kayang kayang ibroadcast sa radyo ang kanilang mga problema sa pag-ibig. Kung hindi ninyo alam ang tinutukoy ko, may mga programa sa RX 93.1, The Love Clinic. Gabi-gabi, merong isang problema silang pinipili, at tinatawagan nila yug taong may problema. Kapag nasa linya na siya, tatanungin nila kung ano ang problema, at ikukuwento naman nito ang lahat ng detalye. At kung hindi pa yon sapat, pagkatapos non, yung iba namang nakikinig, tatawag, o kaya ay magpapadala ng mga SMS, para magbigay ng kanilang payo!
Pero sabagay...bigla ko lang naisip ngayon..hindi ba parang ganyan din ang ginagawa ng mga blogger? Ibinubukas ang mga buhay sa kung sinuman ang mapadaan sa blog nila? Oo nga ano.
Kaya lang, parang mas weird pa din yon eh. Ah ewan.
Muntik ko na makalimutan..ang dami nga palang busising kailangang gawin kapag gumawa ng panibagong website. At kung tutuusin nga, dapat nga madali lang yung sa akin, dahil kumuha lang ako ng template sa Blogspot. Yun nga lang, ang dami ko pa ring binutingting, kaya ang tagal ko pa din. Pero sa totoo lang, naaaliw naman ako sa mga pinaggagawa ko eh. Kaya lang, ang dami ko ring nasayang na oras. Dapat nga pala nagtrabaho ako ngayon. Lagot.
Ayoko na yata. Mula pa nung bata ako, ganito na ang sitwasyon. Si Mama at daddy, away-bati. Routine na nga yan eh. Masaya kami sobra kapag walang away, pero pag nagsimula na...ayan na. Handa ka na. Magkakaroon yan ng isang malaking away. Sigawan. Dabugan. Pagkatapos matagal na hindi mag-iimikan. Walang usapan. Iwasan. Hindi kakain dito si daddy. Hiwalay ng kwarto sa pagtulog. At kaming mga anak? Animo'y parang walang nangyayari. Nagtetelepono, lumalabas, nakikipagtawanan sa mga kaibigan. Pero sa totoo lang, hirap na hirap. Ako, ganon. Akala mo pag sa labas ng bahay, walang problema. Laging nakatawa, laging bungisngis, laging ok sa buhay. Pero sa loob..sa pinakaloob-looban ng puso ko, ang hirap. Minsan nga parang gusto ko na lang sumabog. Minsan gusto ko na lang silang pag-untugin, para tigilan na ang lahat ng pag-aaway. Ang hirap eh.
Sino ba naman ang hindi mahihirapan kung ni hindi mo makausap ng sabay ang magulang mo? Kung sa tuwing kakausapin mo ang isa, natatakot kang isipin ng kabila na kinakampihan mo yung kausap mo? Hindi ba't mahirap na hindi mo alam kung kailan biglang mag-aaway ang magulang mo? Nakakasira yan ng bait.
At ngayon, ganyan nga ang nangyayari dito sa bahay. Muli na namang parang nalipat ang Cold War dito sa bahay namin. Ang hirap pa niyan, yung mommy ko, lahat ng reklamo, sa akin idinadaing. Nag-away daw sila, minura daw siya ni daddy. Pinaghahagis daw nito ang silya. Tinanong kung bakit nasa bahay pa. Habang kinukuwento pa ito, binubudburan pa ng maraming pagbigkas na napakawalanghiya ng tatay ko. Na siraulo. Na ayaw na niyang makipagbati. At siyempre, dahil alam ko na ang lahat ng ito, ang bigat bigat ng damdamin ko. Dala-dala ko na ang lahat.
At muli, kailangan ko na namang magpakatatag...samakatuwid, magkunwari. Ayoko na yata.
Sa totoo lang, napakarami ko nang iba pang journal o diary o blog na nagkalat sa kung anu-anong sulok ng Internet. Yun nga lang, naisip ko, hindi ko pa nasusubukang magsulat sa Tagalog. Talagang sa lahat ng mga ginawa kong website, puro Ingles lang ang ginagamit ko. Marahil, gusto ko lang talaga na mas malawak ang marating ng aking mga sinusulat. Hindi naman natin maipagkakaila na mas maraming nakakaintindi ng Ingles kesa Tagalog, hindi ba? Gayunpaman, naisipan ko lang na subukan ito. Siguro nga, hindi ganon karaming tao ang makakabasa nito, o makakaintindi, pero wala namang problema yon.
Dapat siguro, sinimulan ko ito ng isang pagpapakilala kung sino ako. Simple lang naman ako: isang babaeng nakatira sa bandang katimugan ng Kamaynilaan. Sa bahay lang ako nagtatrabaho; freelancer kumbaga. Naghahanap ng mga proyekto na pwedeng gawin. Naghahanap ng mga sideline. Mahirap na kasi ang buhay ngayon eh. Ngayong taong ito lang ako nagtapos ng kolehiyo. Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid; puro kami babae.
Masaya naman ang buhay ko. Teka, liwanagin ko yan. Marami din akong problema, katulad mo, katulad ng ibang tao. Yun nga lang, hindi ko na masyadong pinapagtuunan ng pansin ang mga yan. Oo, umiiyak ako, pero ayokong patagalin na yon. Mabuti pang iba na lang ang gawin ko; na iba na lang ang pag-isipan ko.
Pero sige, saka ko na muna ikukuwento ang buhay ko. Marami pa namang panahon para diyan eh. Pero sa ngayon, hanggang dito na lang muna. Saka na ang iba pang mga pahayag; iba pang mga kwento, iba pang mga guni-guni, kuro-kuro, at kung anu-ano pa.
Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng
mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles
sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang
kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang
napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at
pananaw ng manunulat.
Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't
tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas,
naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang
Pilipino sa anumang pagkakataon.