Bakit ba hindi pwedeng ang mga palatuntunan natin sa telebisyon ay maging mas matino? Hindi sa gusto kong manggaya sila sa mga Amerikano, pero aminin mo man o hindi, mas maganda ang pagkakagawa ng mga programa nila. Isa nga sa mga pinakaiinisan ko dito ay ang mga sitcoms natin. Sayang nga, kasi alam ko na may mga magaling naman tayong komedyante. Yun nga lang, parang palagi na lang nauuwi sa slapstick, o kaya'y sa pagpokus ng kamera sa mga babaeng kakarampot lang ang suot. Buhusan ng tubig, sapakan, at kung anu-ano pa. Hindi ba pwedeng mas maging intelihenteng sitcom ang magkaroon dito sa Pilipinas? Yun bang ang pagpapatawa ay dahil sa mga dayalogo, at sa mga aktuwal na nakakatawang sitwasyon?
Ang ganda naman ng araw ko ngayon. Napakalumanay, at walang anumang bumagabag sa akin. Isa na yata ito sa mga pinakamagandang araw sa mahabang panahon. Nabawasan na ng kaunti ang problemang pampamilya, kaya sa bungad pa lamang ng umaga, maliwanag na maliwanag na. Hindi naman sa may nangyaring tunay na kakaiba ngayon, subalit kakaiba talaga ang pakiramdam kapag nabawasan ang problema. Bukod pa rito, walang masyadong ginawa ngayon. Nanood, nagbasa, nagsaya kasama ang pamilya, kinausap ang kasintahan...wala na akong mahihiling pa. Tunay ngang isang magandang araw ito. At sana nga'y marami pang ganito sa darating na panahon.
Sana kayo din, naging kasingsaya ngayong araw na ito.
Aba, kasama na pala ako sa Rice Bowl Journals. Isa lang ang masasabi ko. Gusto ko talaga ang konseptong ito. Hindi naman sa sumisipsip ako..hindi naman kailangan yan dito, pero sa totoo lang, nakakaaliw na pagsama-samahin ang mga blog ng iba't ibang Asyano. Nakakaaliw, di ba?
Hay, ang hirap din talaga pag nasobrahan ka sa tulog, ano? Parang ang bigat din ng ulo mo, at hindi ka din makapagtrabaho. Hindi na din kasi ako sanay na masyadong mahaba ang tulog eh. Karaniwan, nagigising ako ng mga alas otso o kaya alas otso y medya. Kaya ngayong nagising ako ng halos alas diyes na, ang sakit tuloy ng ulo ko. Dapat talaga, yung sapat lang ang tulog mo. Pero parang ang sarap isipin na tanghali na nasa kama ka pa, di ba?
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit may mga taong kayang kayang ibroadcast sa radyo ang kanilang mga problema sa pag-ibig. Kung hindi ninyo alam ang tinutukoy ko, may mga programa sa RX 93.1, The Love Clinic. Gabi-gabi, merong isang problema silang pinipili, at tinatawagan nila yug taong may problema. Kapag nasa linya na siya, tatanungin nila kung ano ang problema, at ikukuwento naman nito ang lahat ng detalye. At kung hindi pa yon sapat, pagkatapos non, yung iba namang nakikinig, tatawag, o kaya ay magpapadala ng mga SMS, para magbigay ng kanilang payo!
Pero sabagay...bigla ko lang naisip ngayon..hindi ba parang ganyan din ang ginagawa ng mga blogger? Ibinubukas ang mga buhay sa kung sinuman ang mapadaan sa blog nila? Oo nga ano.
Kaya lang, parang mas weird pa din yon eh. Ah ewan.
Muntik ko na makalimutan..ang dami nga palang busising kailangang gawin kapag gumawa ng panibagong website. At kung tutuusin nga, dapat nga madali lang yung sa akin, dahil kumuha lang ako ng template sa Blogspot. Yun nga lang, ang dami ko pa ring binutingting, kaya ang tagal ko pa din. Pero sa totoo lang, naaaliw naman ako sa mga pinaggagawa ko eh. Kaya lang, ang dami ko ring nasayang na oras. Dapat nga pala nagtrabaho ako ngayon. Lagot.
Ayoko na yata. Mula pa nung bata ako, ganito na ang sitwasyon. Si Mama at daddy, away-bati. Routine na nga yan eh. Masaya kami sobra kapag walang away, pero pag nagsimula na...ayan na. Handa ka na. Magkakaroon yan ng isang malaking away. Sigawan. Dabugan. Pagkatapos matagal na hindi mag-iimikan. Walang usapan. Iwasan. Hindi kakain dito si daddy. Hiwalay ng kwarto sa pagtulog. At kaming mga anak? Animo'y parang walang nangyayari. Nagtetelepono, lumalabas, nakikipagtawanan sa mga kaibigan. Pero sa totoo lang, hirap na hirap. Ako, ganon. Akala mo pag sa labas ng bahay, walang problema. Laging nakatawa, laging bungisngis, laging ok sa buhay. Pero sa loob..sa pinakaloob-looban ng puso ko, ang hirap. Minsan nga parang gusto ko na lang sumabog. Minsan gusto ko na lang silang pag-untugin, para tigilan na ang lahat ng pag-aaway. Ang hirap eh.
Sino ba naman ang hindi mahihirapan kung ni hindi mo makausap ng sabay ang magulang mo? Kung sa tuwing kakausapin mo ang isa, natatakot kang isipin ng kabila na kinakampihan mo yung kausap mo? Hindi ba't mahirap na hindi mo alam kung kailan biglang mag-aaway ang magulang mo? Nakakasira yan ng bait.
At ngayon, ganyan nga ang nangyayari dito sa bahay. Muli na namang parang nalipat ang Cold War dito sa bahay namin. Ang hirap pa niyan, yung mommy ko, lahat ng reklamo, sa akin idinadaing. Nag-away daw sila, minura daw siya ni daddy. Pinaghahagis daw nito ang silya. Tinanong kung bakit nasa bahay pa. Habang kinukuwento pa ito, binubudburan pa ng maraming pagbigkas na napakawalanghiya ng tatay ko. Na siraulo. Na ayaw na niyang makipagbati. At siyempre, dahil alam ko na ang lahat ng ito, ang bigat bigat ng damdamin ko. Dala-dala ko na ang lahat.
At muli, kailangan ko na namang magpakatatag...samakatuwid, magkunwari. Ayoko na yata.
Sa totoo lang, napakarami ko nang iba pang journal o diary o blog na nagkalat sa kung anu-anong sulok ng Internet. Yun nga lang, naisip ko, hindi ko pa nasusubukang magsulat sa Tagalog. Talagang sa lahat ng mga ginawa kong website, puro Ingles lang ang ginagamit ko. Marahil, gusto ko lang talaga na mas malawak ang marating ng aking mga sinusulat. Hindi naman natin maipagkakaila na mas maraming nakakaintindi ng Ingles kesa Tagalog, hindi ba? Gayunpaman, naisipan ko lang na subukan ito. Siguro nga, hindi ganon karaming tao ang makakabasa nito, o makakaintindi, pero wala namang problema yon.
Dapat siguro, sinimulan ko ito ng isang pagpapakilala kung sino ako. Simple lang naman ako: isang babaeng nakatira sa bandang katimugan ng Kamaynilaan. Sa bahay lang ako nagtatrabaho; freelancer kumbaga. Naghahanap ng mga proyekto na pwedeng gawin. Naghahanap ng mga sideline. Mahirap na kasi ang buhay ngayon eh. Ngayong taong ito lang ako nagtapos ng kolehiyo. Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid; puro kami babae.
Masaya naman ang buhay ko. Teka, liwanagin ko yan. Marami din akong problema, katulad mo, katulad ng ibang tao. Yun nga lang, hindi ko na masyadong pinapagtuunan ng pansin ang mga yan. Oo, umiiyak ako, pero ayokong patagalin na yon. Mabuti pang iba na lang ang gawin ko; na iba na lang ang pag-isipan ko.
Pero sige, saka ko na muna ikukuwento ang buhay ko. Marami pa namang panahon para diyan eh. Pero sa ngayon, hanggang dito na lang muna. Saka na ang iba pang mga pahayag; iba pang mga kwento, iba pang mga guni-guni, kuro-kuro, at kung anu-ano pa.
Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng
mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles
sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang
kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang
napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at
pananaw ng manunulat.
Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't
tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas,
naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang
Pilipino sa anumang pagkakataon.