lunes, julio 1

Paalam. Salamat sa pagbasa!

11:33:00 p. m. |

miércoles, mayo 1

Wala na bang maisip ang ABS-CBN na pamagat, kaya para sa bawat bahagi ng araw, may programa silang ang pamagat ay "Magandang _________, Bayan?"

Sa umaga, ang balita ng Alas Singko Y Medya: Magandang Umaga, Bayan.

Sa tanghali, ang walang-saysay na: Magandang Tanghali Bayan.

Tuwing Sabado, ang programa ni Noli de Castro: Magandang Gabi, Bayan.

Ano na kaya ang susunod? Baka naman palitan na nila ang pamagat ng programa ni Martin at gawin na itong Magandang Hatinggabi Bayan.

9:16:00 p. m. |

martes, abril 16

Galing sa e-mail at nakakatawa, kaya napagpasyahan kong ilagay dito:

NAAALALA MO PA BA ANG PANAHON NA...

1. Pogi ka kung kasama sa porma mo ang Sperry Topsiders, K-Swiss, Espadrilles (na pinilahan mo pa sa Whistle Stop o sa Cash and Carry), Tretorn o Dragonfly sneakers, puting Spartan sneakers, argyle socks, woven leather belts, Chaser, Lacoste, Ralph Lauren at iba pa, one-size-fits-all Hanes T-shirt na may dibuho ng iyong paboritong New Wave na banda, pabangong Chaps, Bowling Green, G! ray Flannel or Kouros, Denman brushes, Dippity Do o Dep hair gel, Bermuda shorts na may ternong plaid long- sleeves.

2. Macho ka kung ang porma mo ay parang kay Don Johnson ng Miami Vice at kung naglalaro ka ng football o nag-aaral ka ng tae kwon do o marunong mag butterfly kick tulad ni Ralph Macchio sa Karate Kid. Sobrang macho ka kung may pandesal ka sa tiyan habang nakasuot ng hanging shirt.

3. Maganda ka kung meron kang pencil-cut skirt (calf-length, tatlo hanggang apat na pulgada sa ibabaw ng bukong-bukong), pabangong Nenuco o De Ne Nes, kinulot na buhok a la Madonna o tinease na bangs na pinatigas ng Aquanet, shoulder pads ala Joan Collin a.k.a. Alexis Carrington in Dynasty), Benetton shirt, Esprit outfit at namimili ka ng gamit sa Sari-Sari, Tokyo Hannah,Tickles at Regina's sa Shoppesville.

4. In na in ka kung napuntahan mo ang mga concerts nina Mike Francis, Swing Out Sisters, Menudo, Earth, Wind and Fire, James Ingram, Genesis noong unang punta pa lang nila dito sa Pilipinas.

5. Sosyal ka kung malimit ka sa Jazz Rhythm & Booze at kumakain ka sa Cafe Ysabel, Bistro Burgos, Dean Street Cafe, Angelino's and East St. Lois, Cosmo and Kudo's at nag-babakasyon ka sa Matabungkay Beach Club o Baguio Country Clulb.

6. Wala pang videoke kundi karaoke.

7. Ang preso lang may tattoo.

8. Akala mo'y magkakatuluyan sina Ate Sienna at Kuya Bodjie sa Batibot.

9. Ang intindi mo ng LOL ay ULOL imbes na Laughing Out Loud.

10. Na-tsismis na bulati ang beef patty ng Jollibee.

11. Kinilig ka nang malaman mong ikakasal si Pops at si Martin.

12. Piso lang ang isang basong taho at kailangan mong magdala ng sarili mong baso kasi wala pang plastic cups no'n si manong magtataho.

13. Lechon Manok pa ang pinag lilihihan ng taumbayan.

14. Tarzan, Jojo, Bazooka Joe, Clover bits at Tootsie Roll ang pinagkakagastusan mo ng mga beintesinko mo.

15. Nagkakakalyo ka dahil typewriter pa ang ginagamit mo para sa mga school paper mo...kaya bentang-benta pa ang carbon paper at liquid paper.

16. Sa Ortigas Center ka tinuturuang magmaneho kasi puro talahib pa yon no'n.

17. Cool ang bumati sa iyong crush sa FM radio. -- "Grabeh! I would like to grit my crash...."

18. May mascot pa ang 99.5 RT na binebenta sa Gift Gate.

19. Baduy pa noon si Lea Salonga dahil sa That's Entertainment.

20. Iniisip mong dapat mag-retire na si Jaworski dahil kuwarenta na siya.

21. Egoy na egoy pa si Michael Jackson.

22. Si Harry Gasser ang newscaster ng bayan.

23. Kay Amado Pineda ka lang naniniwala pag ukol sa panahon ang balita.

24. Sintonado pa ang Eraserheads habang nag-ja-jamming sa Club Dredd.

25. Tinuruan kang mag-toning ng iyong nanay dahil kay Johnny Midnite.

26. Naglalagay ka ng pyramid sa tabi ng iyong unan para good vibes.

27. Nilalagyan mo ng watch-guard ang iyong Swatch.

28. Herbert Bautista ay isang politiko lamang sa iskwela.

29. P18 to $1 ang palitan sa black market.

30. May black market pa noon.

31. Illegal pa ang mga paputok.

32. Ang paborito mong tsokolate ay Chocnut at Mallows.

33. Drag race sa Greenhills at Corinthians.

34. Kumain sa Burger machine o sa Goodahhhh ng madaling araw.

6:14:00 a. m. |

lunes, abril 8

Naabsuwelto na naman pala si Imelda para sa karamihan ng kanyang mga kaso. Sabi pa ni Madam, na nakamit na daw ang hustisya, at nagsalita na ang katotohanan.

Ang hirap paniwalaan. Bakit nga ba mas madalas na napupunta ang hustisya para sa mga mayayaman? Kahit na alam na siguro ng karamihan sa mga Pilipino ang mga kabuktutang ginawa nila Marcos noong panahon nila, wala pa rin silang mararamdamang parusa. Sabi niya, ano daw ang mananakaw nila, eh wala naman daw talagang nanakawin? Baligtad yata. Nang iwan nila ang bansa, said na ang kaban ng bayan, at yon ang panahon na wala nang makukuha.

Nakakapanglumo talaga ang balita na ito. At mas nakakapanglumo pa ay ang Ombudsman daw (ayon sa TV Patrol) ang nagpatigil sa kanyang mga kaso. At ito rin ang may hawak ngayon sa mga kaso ni Erap. Ano pa kaya ang maaasahan natin ngayon?

4:15:00 a. m. |

miércoles, abril 3

Matagal-tagal ko ring nakaligtaang magsulat dito sa Mga Guni-guni. Sa totoo lang, wala namang dahilan, wala lang ako yatang masyadong maisulat. Grabe, pinapanood ko ngayon sa telebisyon ang Whattamen, ang kanilang palabas para kay Rico Yan. Nakakagulat talaga ang pagkamatay niya, 'no? Hindi mo talaga aakalain. Sino nga ba ang makakalimot sa linya niya sa kanyang unang patalastas: "Half Italian, 1/4 German, at 1/8 Ilongga'ng nanay ko." Sayang siya. Batang-bata pa, at malusog naman kung iyong titingnan. Marahil ito nga ang dahilan kung bakit parang buong bansa ay nagulantang at talaga nga namang lahat halos ay ito ang bukambibig. Sa mga programang pangbalita nga, araw-araw na lang, meron ka talagang makikita para sa kanya. Umiiyak si Claudine, si Judy Ann, si Regine, maging si Mega nga, umiyak din kanina eh.

Aba, talo pa nga niya ang pagkamatay ni Levi Celerio, isa sa ating mga Pambansang Artista para sa Musika. Sabagay, may edad na nga si Mang Levi kaya siguro hindi na kagulat-gulat, pero ibang-iba talaga ang naging reaksyon ng buong bansa sa pagpanaw ni Rico Yan. Napakahaba ng pila sa labas ng kapilya sa De La Salle Greenhills, kung saan nakahimlay ang kanyang katawan.

At base nga sa mga balita, mukhang may katuturan naman ang pagkalungkot ng mga tao sa kanyang pagkawala. Hindi lang pala siya artista. Bukod sa pagiging negosyante, matuturing pa siyang pilantropo. Lingid sa kaalaman ng marami, noon palang nabubuhay pa siya, marami na siyang natulungan. Ang kanyang alalay, yaya, at pati na rin ang mga taong hindi niya kakilala.

Siguro nga'y marami pa siyang mararating. Sayang nga lang at hindi na natin malalaman kung ano pa ang maari pa sanang magawa ni Rico Yan. At siguro, kung meron tayong dapat matutunan sa pagkamatay niya, kahit na hindi man natin siya kakilala, ay na dapat nating gamitin ang ating buhay para sa kabutihan, at gawin natin ang lahat ng ating nais, at dapat gawin. At isa pa, para naman sa ating mga pamilya at kaibigan, dapat nating ipaalam sa kanila kung gaano sila kahalaga habang buhay pa sila. Sabihin natin ito at ipabatid sa kanila habang buhay pa sila, at maririnig pa nila at mararamdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga.

5:33:00 a. m. |

sábado, marzo 23

Semana Santa

Palaspas na pala bukas. Magsisimula na ang Mahal na Araw. Dahil sa karamihan sa mga Pilipino ay Katoliko, ito ang isa sa mga panahon na halos lahat ay nagbabakasyon. Kasi naman, kapag Miyerkules Santo ba o Huwebes Santo ay wala nang pasok ang mga opisina. Sabi nila, para daw maobserbahan ang Mahal na Araw.

Pero ano nga ba ang ginagawa ng mga Pilipino pag Mahal na Araw? Sari-sari. Merong ibang mga deboto na nagpapapako sa krus; meron namang sumusunod sa mga prusisyon o kaya'y sumasali sa pabasa. Meron din namang mga nanonood ng senakulo. Ang iba'y ginagamit talaga ang panahong ito para sa mataimtim na pagdarasal at pagninilay-nilay sa kanilang mga kasalanan at sa paghingi ng patawad para dito.

Samantala, karamihan naman, kaya mahal ang mga araw na ito, ay dahil sa ito lamang ang pagkakataon nilang makapagbakasyon. Kaya hindi nga ba't napakalakas ng bentahan ng mga tiket sa bus, tren, at eroplano pagdating ng Semana Santa? Nagsisiuwian sa mga probinsiya ang mga tao, o di kaya nama'y magpupunta lamang sa mga pasyalan, o kaya sa mga bakasyunan tulad ng Boracay, Puerto Galera, Davao, Subic, Cebu, at kung saan-saan pa. Hindi mo rin naman sila masisisi dahil sa para sa marami, ito lamang ang pagkakataon nilang makauwi sa kanilang probinsiya.

Ikaw, ano naman ang nakagawian mong gawin kapag Mahal na Araw?


2:06:00 a. m. |

domingo, marzo 17

Hay, ang sarap ng Curly Tops! Nakatikim ka na ba nito? Ito yung tsokolate na gawa ng Ricoa, nakalagay sa manipis na dilaw na papel (parang macaroon na tsokolate), at nakalagay sa isang parihabang karton. Ricoa rin yata ang gumawa ng Flat Tops, na isa pa ding paborito ko.

Ang daming masarap na tsokolate at kending gawang lokal lamang, katulad na lamang ng lollipop na Boom Boom, Goya cubes, Serg, at Nips. At siyempre pa, pag pinag-usapan ang mga lokal na tsokolate, sino ba ang makakalimot sa Chocnut? Makita mo pa lamang ang balutan nitong puti na may guhit-guhit na pula, sigurado akong matatakam ka na.

Kaya naman noong bata pa kami ng mga kapatid ko, nilalakad namin ang pinakamalapit sa aming sari-saring tindahan at bumibili na ng mga kending ito. Bumibili din kami ng Big Boy, Bazooka Joe (masarap siya, at saka may komiks pa sa loob), White Rabbit (pwede mong kainin yung papel na nakabilot sa kendi), Cloud Nine, Peter's Butter Ball (paborito ko ito..yung bilog na kendi na nakabalot sa dilaw na plastik), at para naman sa mga babae, ang pamalit na pangkulay sa bibig, ang Lipps.

10:05:00 p. m. |

viernes, marzo 15

Nung isang araw, nasabi ko sa tatay ko na bagamat maraming naghihirap sa Pilipinas, parang hindi mo naman ito makita kapag nagpunta ka sa SM, o kung saan pang pamilihan. Siksikan ng mga tao, naglalakad, nagpapalamig, namimili ng konti. Parang lahat ay masaya at walang problema.

Natauhan ako sa sagot niya. Sabi niya, napakaliit lamang na bahagi ng populasyon ang nakikita natin doon. Oo nga naman. Sa bawat isang taong nakikita natin sa mga lugar na ito, sampu ang nasa loob ng mga maliit nilang tahanan, o di kaya'y naghahanapbuhay upang magkapera para may mapakain sa pamilya. Napakarami na wala man lamang sapat na pera para makarating sa mga lugar na ito. O di kaya nama'y nasa mga probinsiya na walang ganitong mapupuntahan. Na simple lamang ang buhay: magkakasama lamang, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, nagtatanim, nagluluto.

Ganon kasi talaga. Hindi mo naman napapansin ang mga bagay kung hindi mo talaga nakikita. Akala natin, lahat ng tao, ganito din ang buhay. Na lahat pwedeng makapag-Internet. Na lahat pwedeng manood ng sine, maghanap ng mga librong gusto nating basahin, na manood ng telebisyon.

Kapag naintindihan natin na hindi lahat ng tao'y nakakaranas ng mga ito, siguro kahit papaano, maiisip nating talaga na swerte tayo. Siguro nga ang sikreto talaga'y ang pagpapahalaga sa kung anong meron ka. Kahit ano pa ito. Ang pagiging kuntento, at hindi pagrereklamo masyado. Ang pagpupursigi, ng walang pagkakainis sa kasalukuyang kinatatayuan sa buhay.

6:57:00 a. m. |

viernes, marzo 8

Sa totoo lang, minsan ayoko nang manood ng mga programang pangbalita sa telebisyon eh. Nakakataas lang kasi ng presyon, laluna't makita mo si Erap na nagpapaawa. Mabuti sana kung talagang nakakaawa siya eh, pero hindi naman. Para sa krimen na nakasampa laban sa kanya, na mukha namang malaki ang ebidensya, napakarami nang mga pagbibigay ang iginawad sa kanya ng hukuman. Saan ka nga ba naman nakakita ng preso na nakapiit sa isang ospital? Na nagpkain pa nung pasko? Na si Jinggoy ay pwedeng magpunta sa Makati Medical Center ng walang paalam sa Sandiganbayan (oo, nangyari na ito). Na pinapaluto pa talaga ng espesyal ang pagkain? Na nakaboto pa nung nakaraang eleksyon?

Ang nakakainis pa dito, magulo na nga ang bansa natin dahil sa Abu Sayyaf, trapiko, polusyon, korupsyon, mga protesta laban sa Balikatan at kung anu-ano pa, andiyan pa ang kaso ni Erap na nagbibigay ng isang malaking hidwaan sa mga Pilipino, ang mga maka-erap at ang mga kontra sa kanya. Sabi nga ng tatay ko, kung ang gusto ni Erap ay ang kapayapaan at ang mas makakabuti sa bayan, gagamitin niya ang impluwensiya niya upang lalong sabihin sa mga ito na dapat suportahan ang hustisya sa ating bansa. Hindi ang lalo pang pag-igtingin ang kanilang galit sa gobyerno. Bilang dating pangulo, dapat pa nga'y lalo niyang iparating sa kanila ang mensahe na dapat nating suportahan ang gobyerno, hindi ba?

Sa dinami-dami ng problema ng Pilipinas ngayon, napakasaya siguro kung magkaisa ang lahat ng Pilipino upang ayusin ang ating bansa sa ating mumunting paraan. Imbis na isipin lamang ang pagkakanya-kanya, bakit kaya hindi nating magawa ang mas makabubuti para sa ating lahat? Tutal, pag nagawa naman natin ito, hindi ba't lahat naman tayo'y giginhawa din at mas papayapa?

Siguro nga'y masyadong simplistoko ang hiling kong ito. Pero hindi ba minsan, ang malalaking bagay ay nagaganap dahil sa simpleng paraan lang? Pilipino tayong lahat. Alam kong kahit papaano, kahit na saang lupalop ng mundo man kayo, may nararamdaman pa rin kayong kahit katiting na pagmamahal sa inang bayan. At kung ang bawat katiting na yon ay pagsasamahin natin at pagyayamanin, sino nga ba naman ang makapagsasabing wala nang pag-asang pumayapa at umunlad ang Pilipinas.

6:33:00 p. m. |

martes, marzo 5

Ayan, may paraan na rin kayo para mag-iwan ng komento para sa bawat entrada dito. Hmm. Tama nga ba yon? Minsan nakakalito na talaga. Pero basta, alam mo na yon!

11:49:00 p. m. |


Ano kaya kung gawin ang isang Formula One Grand Prix dito sa Pilipinas? Paano kaya yon gagawin? Hmm. Una, saan? Sa South Super Highway ba? Sa kahabaan ng Edsa? Sa C5? Sa Roxas Boulevard? Dahil dapat may iikutan at may mga kurbada, dapat siguro magsimula ito sa panulukan ng Edsa at Ayala Avenue, dire-diretso hanggang sa Edsa-Ortigas papuntang C5, liko na naman sa bandang Fort Bonifacio para makaraan sa Mckinley, at balik na naman sa Edsa, at paikot na naman.

Magiging malaking pagsubok ito sa mga katulad nila Michael Schumacher, David Coulthard, Juan Pablo Montoya, Eddie Irvine, at kung sinu-sino pa. Bakit kamo? Una, hindi patag ang lahat ng madadaanan nila. Sa totoo lang, kawawa ang mga kotseng gagamitin nila, laluna't napakababa pa naman ng mga kaha nito. Dahil dito, kailangang palagi silang pumreno para hindi madisgrasya. Pangalawa, mahihirapang lampasan ng isang tsuper ang kabilang kotse sapagkat medyo makipot nga talaga. Pangatlo, May mga dadaanan silang pailalim, at pataas pa. Kailangang pag-aralang mabuti ang stratehiya nila kung paano nila ito gagawin!

At kung gagawin naman ito dito sa atin, paano kaya ang mangyayari? Baka buong batalyon ng sandatahang lakas nati'y ipadala sa kaganapang ito upang magarantiyahan ang seguridad ng lahat. Magkukumpulan ang lahat ng tao, kahit na wala silang tiket, para sumilip sa GP. Napakarami ring magpapapirma sa mga tsuper, kahit na sino pa man sila. Basta maputi, sabi nila.

Ano sa palagay mo?

11:31:00 p. m. |

viernes, marzo 1

Alam ninyo ba kung ano ang sinusulat ng mga inspektor ng bus sa kanilang maliit na aklat? Matagal ko na kasing naiisip yon. Kasi di ba ang ginagawa nila ay, kinukuha nila ang tiket mo, tapos pinupunit, tapos saka lamang sila lumilipat sa susunod sa pasahero. Pagkalipas ng ilang mga pasahero, may sinusulat na sila. Hindi ko naman mawari kung ano ang sinusulat nila. Ano kaya, ang mga numerong nakalagay sa iyong tiket? Kung magkano ang mga tiket na iyon? Kinakalkula ba niya sa utak niya kung magkano na umaabot yon? Ano kaya?

4:17:00 a. m. |

lunes, febrero 25

Ayan, medyo nag-iba naman ang itsura nitong Mga Guni-guni. Nagkakulay ng konti (o ng marami ba?), at medyo umayos yata ang pagkakalagay ng mga iba-ibang elemento nitong pahinang ito. Natuwa kasi ako masyado nang makita ko ang mga larawan sa Papemelroti eh. Akmang-akma sa pagiging Pilipino nito, pati na rin sa hinahanap kong pagiging mas makulay. Medyo nagsawa na rin kasi akong puro na lang berde ang nasa pahina ko eh.

O siya, maiba naman ako..kamusta naman ang inyong Pebrero 25, na mas kilala bilang anibersaryo ng People Power. Naaalala ko pa..nung Edsa 1, hindi ako nakasama sa aking mga magulang sa pakikipaglaban laban sa diktadurya noon. Sabagay, siyete anyos pa lang naman ako noon. Pero bukod pa dito, ito'y dahil sa may bulutong ako noong panahong iyon. Oo, tandang-tanda ko pa, na habang nagkukumpulan ang mga tao sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue, nagkukumpulan din ang bulutong na lumalabas sa aking katawan noong panahong iyon.


Paano mo naman ipinagdiwang ang araw na ito? Isa ka ba sa mga nakinood sa pagdiriwang na ginawa sa Edsa, o nagdiwang ka lamang ba dahil sa walang pasok at nadagdagan ang araw ng pagpapahinga at pagliwaliw?

8:12:00 a. m. |

miércoles, febrero 20

Lupang Hinirang

Nakapanood ako ng sine kahapon, at dahil unang palabas ang pinanood namin, pinatayo ang lahat para sa pambansang awit. Pinalagay rin ang kanang kamay sa kaliwang dibdib, na siyang ginawa ko dahil nakasanayan ko na rin ito. Subalit habang nasa likod ako at tumitingin sa aking paligid, nagulat ako nang mapansin kong ako lamang ang gumawa non. Bakit nga kaya hindi natin magawa ang simpleng bagay na ito?

Nakakahiya bang gawin ito dahil sa ito'y isang simpleng pag-amin ng pagmamahal sa bayan? Tinatamad lamang ba ang mga tao at nangangawit sa paggawa nito sa loob ng isang buong kanta? Bakit nga kaya?

6:55:00 p. m. |

lunes, febrero 18

Pagligo

Kapag hindi ka rin lang aalis ng bahay, anong oras ka naliligo? Naliligo ka ba oras na gumising ka, o hinihintay mo munang makakain ka pagkatapos saka na maliligo? O katulad ka ba namin ng kapatid ko na kung nasa bahay lang ay nakakatamaran ring maligo. Kasi hindi nga ba medyo nakakatamad yung paghihintay na uminit ang tubig, tapos pagkaligo ay magpapatuyo ka ng buhok at mag-aayos? Hindi naman yung pagligo mismo ang nakakatamad, kasi siyempre naman sa klima ng bansa natin, sino nga ba ang hindi gugustuhing maging maaliwalas ang pakiramdam pagkaligo, hindi ba? Pero ewan ko sa inyo, pero ako minsan tinatamad din.

Huwag ninyo namang isipin na hindi ako naliligo araw-araw, kasi ginagawa ko naman yon. Hindi ko rin naman yata kayang hindi maligo, 'no! Yun nga lang, minsan, naliligo ako kapag hapon na, o kaya minsan nama'y inaabot na rin ng gabi bago ako pumasok ng banyo upang maligo. Pero pag naligo naman...hay, kay sarap. Nilalasap ang pagdampi ng tubig sa init na init na katawan. Hilod, kuskos, sabon, shampoo..banlaw, banlaw, banlaw.

Pero hindi nga, sa totoo lang...tinatamad ka din ba? Sagutin mo naman ang katanungan ko, o!

1:03:00 a. m. |

domingo, febrero 10

Napansin ninyo bang napakainit ng araw ngayon? Kanina, papunta kami sa Laguna upang makipagdiwang sa kaarawan ng aking tiyahin, at habang nasa sasakyan ako, ramdam na ramdam ko ang init ng araw na tumatagos sa aking itim na pantalon. Buong araw tuloy, parang nakakasakit lamang ng ulo dahil sa tindi ng init. Hay. Ganyan na ba kalapit ang tag-init?

..............................................................................

Sunud-sunod pala ang mga okasyon sa linggong ito. Bagong Taon ng mga Tsino sa Martes, Pebrero 12. Nasaan na kaya ang tikoy ko, hmm? Sa Miyerkules nama'y Miyerkules de Abo. (Hehe, hindi ko alam kung yan nga ba ang tamang salin para sa Ash Wednesday, pagbigyan ninyo na.) Samantala, sa Huwebes na pala ang Araw ng mga Puso. Ano kaya ang mas mapupuno, ang mga simbahan sa Miyerkules, o ang mga sinehan, restawran, motel, at mga hotel sa Huwebes?

2:12:00 a. m. |

domingo, febrero 3

Naalala ko nga pala ito ngayon. Mga ilang taon na rin ang nakakaraan, kasama ko ang nakababata kong kapatid sa Maynila. Galing kami sa opisina ng aking ina, at patungo naman kami sa pamantasan na aking pinapasukan. Nagkataon naman na may pupuntahan rin siyang malapit doon, kaya't magkasabay na kami. Ngayon, katulad ng maraming Pilipino, nakagawian ko nang magkrus kapag dumaraan sa simbahan. Pagdaan namin sa simbahan ng Quiapo, nagkrus ako, at itinuloy ko na ito sa isang dasal, dahil kukunin ko yata ang mga marka ko para sa semestreng iyon.

Siyempre pa, pagkatapos ng aking dasal, nagkrus ulit ako. Laking gulat ko lamang ng nakita kong nagkrus din ang kapatid ko. Tinanong ko siya kung bakit niya ginawa iyon, at ang tanong niya sa akin ay: "Nasaan ang simbahan dito?", sabay dungaw sa bintana upang hanapin ang dahilan ng aking pagkrus. Natawa na lamang ako dahil nga sa wala namang simbahan doon, pero ginawa niya ang krus bilang paggaya lang sa akin.

Napag-isip ako tuloy ngayon. Napakaraming bagay na ginagawa natin dahil lamang sa nasanay tayo. Minsan, hindi na natin alam kung bakit natin ito ginagawa. Katulad na lamang ng mga batang musmos na pinipilit pagmanuhin sa lahat ng nakakatanda. Hindi pa naman nila alam na tanda ito ng respeto, at ginagawa lamang nila ito dahil sa sinasabi sa kanilang gawin nila iyon. At ngayon naman, parang ganon din. Kahit na may mga kamag-anak na alam mong hindi naman karapat-dapat na pagmanuhan, mawalang-galang na nga lang po, ay nagmamano pa rin tayo dahil sa mas matanda sila sa atin.

Hindi ba mas maganda kung ang mga aksyon natin ay bukal sa loob, at hindi lamang dahil sa inaasahang gawin natin ito?

6:21:00 a. m. |

jueves, enero 31

Ang hirap talaga pag maharap ka sa isang mahabang hapag-kainan na punung-puno ng pagkaing masasarap. Lalo na kung alam mong lahat ng iyon ay nabayaran mo na. Ang tinutukoy ko ay ang mga lugar tulad ng Cabalen, Saisaki, Dad's, Kamayan, at kung anu-ano pang mga kainan na may buffet. (Pasensiya na kayo, wala yatang diretsong salin yan sa Tagalog eh. Kung alam ninyo, maari bang pakisabi din sa akin? Salamat!)

Kahapon, nagpunta kami sa Kamayan kasama ng ilang mga kamag-anak na balikbayan. Napakaraming putahe: lechon de leche, kare-kare, laing, ginataang kuhol, inihaw na baboy, chicharon, crispy kangkong, samu't saring ulam na hindi ko alam ang pangalan subalit alam ko lamang ang lasa, kanin, mga ensalada, at tatlong uri ng sabaw. Nakakalula talagang tingnan, at palagay ko nga'y lalabas talaga diyan ang katakawan mo! Kung hindi katakawan ng tiyan, katakawan ng mata talaga. Hindi mo maiiwasan yatang damihan ang laman ng plato mo pag nakita mong napakasarap ng handa sa harapan mo.

At hindi nga ba, kahit paisa-isang piraso ng ulam lamang ang kunin mo, babalik ka pa rin sa mesa mong punung-puno ang iyong pinggan. Halos hindi ka na magkandatuto sa bigat ng iyong plato. At pag-upo mo, mapapa-`ay! ka talaga sa gulat na ang dami mo palang nakuha!

At siyempre pa, wala ka nang magawa, dahil kailangan mong ubusin yon, sa ayaw mo't sa gusto, kung ayaw mong doble ang bayaran mo. Dalawa lang naman ang alituntunin sa mga kainang ganito eh: hindi pwedeng magkasalo kayo sa isang plato lamang (natural!), at hindi pwedeng may tira. Kung kaya't pagkatapos mong kumain ng tanghalian o hapunan, bundat na bundat ka na talaga. Pero siyempre, hindi naman pwedeng wala kang panghimagas, hindi ba? Pang-alis umay daw. At siyempre pa, para sulitin mo naman ang bayad.

Yan naman din talaga ang tumatakbo sa utak natin di ba? *Isip* "Naku, binayaran na natin yan, kailangan sulit. Damihan na natin ang kain." Kaya hayun, ang iba, kung kumain, akala mo wala nang bukas. Subalit hindi ko talaga masisi rin naman ang mga ito. Nandiyan na nga din lang naman, eh di huwag mo nang sayangin.

Pero para sa akin, isa talaga ang resulta ng pagpunta sa mga buffet, bukod sa pagkabundat ng tiyan. Tama na muna. Busog na busog na ako.

6:27:00 p. m. |

miércoles, enero 16

Eksena sa NAIA
Bakit nga ba ang mga Pilipino, kapag may darating na kamag-anak na galing sa ibang bansa, kailanga'y halos isang barangay ang sasalubong sa paliparan? Magpunta ka sa Ninoy Aquino International Airport, at makikita mo sa paradahan na napakaraming malalaking sasakyan. May mga dyip, L-300, FX, at anu-ano pang malaking sasakyan hindi lamang upang magkasya ang mga balikbayan box na dala ng mga turista/balikbayan, kungdi para na rin magkasya ang lahat ng mga sumasama para sumalubong.

Habang naghihintay sa pagdating, ang iba'y nakaabang sa Arrival area, samantalang ang iba naman ay nasa sasakyan lamang at nagkukuwentuhan. Siyempre pa, may baon ang mga iyan na kanin at ulam (malamang, adobo, para hindi mapanis). Nagpapaypay dahil nakabilad sila sa init ng araw; palibhasa'y hindi pinapapasok sa loob ng paliparan ang mga taga-pagsalubong. Taliwas ito sa mga paliparan sa ibang bansa, na kung saan napakadali lamang magsundo. Papasok ka sa loob ng airport, hanapin mo ang sasalubungin mo, at saka pwede na kayong umalis.

Subalit marahil nga'y hindi pwedeng ganon ang maging sistema dito sa atin. Malamang nga'y kung gayon, mas gumulo pa sa loob ng NAIA, eh ngayon pa nga lang ay napakagulo na. Pero nakakaawa din talaga ang mga nagnanais na sumundo sapagkat ang laki din talaga ng hirap na inaabot nila sa paghihintay.

Bakit nga ba nagtitiyaga ang mga ito? Para ba kunin agad ang pasalubong nila? Hindi. Ginagawa nila ito upang ipakita sa kanilang nagbabalik na kamag-anak o kaibigan na napakahalaga nito para sa kanila. Pinapakita nilang kaya nilang magsakripisyo para lamang masundo at makita siya agad sa kanyang pagbabalik dito sa bansa. Kung kaya't hindi mo talaga maikakaila na masarap pa din talaga dito sa Pilipinas. Kahit sabihin mo pang madumi, mainit, matrapik at kung anu-ano pa, wala pa ding makakapantay sa init ng pakikisama at pagmamahal na matatanggap mo dito.

8:53:00 p. m. |

lunes, enero 14

Grabe! Labis akong nabahala nang nakita kong nakapaskil sa isang MSN Community board ang isa sa aking mga isinulat dito. Nakita ko bilang isang referral ang link na iyan, at sa aking laking pagkagulat, nakacut-and-paste na ang aking inilathala dito. Para lamang sa kaalaman ng lahat, hindi ako ang naglagay niyan diyan, at wala akong kinalaman sa paglagay niyan diyan.

In English, for the benefit of those who might have followed the link posted in that page, I was not the one responsible for what Raja/Jawinder Singh posted on the MSN Community Board. The entry was copied from my blog and posted to that board without my knowledge, and certainly not without my permission.

Napa-ingles tuloy ako. Hmph.

7:49:00 p. m. |


Psst, kung may panahon kayo at gutom para sa nakakatuwang pahinang pampinoy, punta na kayo sa Ate Sienna's Pansitan. Sigurado akong maaaliw kayo dito. Puntahan ninyo yung pagsusulit tungkol sa pagiging jologs. Nakakaaliw talaga.

5:11:00 p. m. |

sábado, enero 12

Naku, matagal-tagal din pala akong nawalan ng mga guni-guni. Medyo napabayaan ko pala ito. Wala naman talaga akong mahalagang pinagkakaabalahan. Medyo nawaglit lang ito sa utak ko. Alam ninyo naman, dumaan ang kapaskuhan at lahat. Medyo marami lang yata akong ibang pinaggagawa liban dito sa aking blog na ito.

Alam ninyo, meron akong kailangang ipahiwatig sa inyo. Noong isang araw, nagtitingin-tingin ako sa isa bang pahina dito sa Internet. At doon, nagkaroon ng isang kontrobersiya tungkol sa isang babae sa Taiwan daw, na nagkukunwaring isa siyang totoong tao upang magkuwento ng mga mapangahas na istorya ng kanyang buhay bilang Amerikana (yata) sa Taiwan.

Napag-isip tuloy ako. Kasi, sa totoo lang, hindi naman Kris ang pangalan ko. Ginagamit ko lamang itong panulat para sa Mga Guni-Guni sapagkat ito ay isa lamang pagsubok para sa akin: ang makapagsulat ng isang matinong blog na gamit ang wikang Filipino. Sa palagay ko nama'y hindi ako dito nagpapahayag ng mga bagay na hindi nangyayari talaga sa akin. Yun nga lang, nakatago ang aking tunay na pangalan. Meron sigurong iba sa inyo na nagbabasa ng aking orihinal na blog, at ni minsan ay hindi ko iyon nabanggit dito sapagkat gusto kong magkaroon ng ibang pagkakakilanlan ang Mga Guni-guni, kesa sa blog na iyon. Wala akong intensyong manglinlang, pero hindi ko lang ibinibigay ang aking tunay na pangalan rito.

Ngayon, isang tanong lamang: masama ba ito?

8:33:00 p. m. |


Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at pananaw ng manunulat. 


Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang Pilipino sa anumang pagkakataon.


arinola
bottledbliss
child of sorrow
eleven point zero: geeky crap
« # FlipBlogs ? »
h.a.n.d. Municipal
happy sammy
literary attempts
nowhereville, usa
pansitan.com
the philippine daily inquirer
rice bowl journals
shae's webturf
sunny side up
tekstong bopis



guestbook: paautograph naman!
e-mail
salamat sa papemelroti, ang pinagkunan ng mga larawan para sa mga guni-guni!



-- H O M E --

FreeGraphicsFrom.GIF (2678 bytes)

mga komento: YACCS salamat din sa blogger