jueves, enero 31

Ang hirap talaga pag maharap ka sa isang mahabang hapag-kainan na punung-puno ng pagkaing masasarap. Lalo na kung alam mong lahat ng iyon ay nabayaran mo na. Ang tinutukoy ko ay ang mga lugar tulad ng Cabalen, Saisaki, Dad's, Kamayan, at kung anu-ano pang mga kainan na may buffet. (Pasensiya na kayo, wala yatang diretsong salin yan sa Tagalog eh. Kung alam ninyo, maari bang pakisabi din sa akin? Salamat!)

Kahapon, nagpunta kami sa Kamayan kasama ng ilang mga kamag-anak na balikbayan. Napakaraming putahe: lechon de leche, kare-kare, laing, ginataang kuhol, inihaw na baboy, chicharon, crispy kangkong, samu't saring ulam na hindi ko alam ang pangalan subalit alam ko lamang ang lasa, kanin, mga ensalada, at tatlong uri ng sabaw. Nakakalula talagang tingnan, at palagay ko nga'y lalabas talaga diyan ang katakawan mo! Kung hindi katakawan ng tiyan, katakawan ng mata talaga. Hindi mo maiiwasan yatang damihan ang laman ng plato mo pag nakita mong napakasarap ng handa sa harapan mo.

At hindi nga ba, kahit paisa-isang piraso ng ulam lamang ang kunin mo, babalik ka pa rin sa mesa mong punung-puno ang iyong pinggan. Halos hindi ka na magkandatuto sa bigat ng iyong plato. At pag-upo mo, mapapa-`ay! ka talaga sa gulat na ang dami mo palang nakuha!

At siyempre pa, wala ka nang magawa, dahil kailangan mong ubusin yon, sa ayaw mo't sa gusto, kung ayaw mong doble ang bayaran mo. Dalawa lang naman ang alituntunin sa mga kainang ganito eh: hindi pwedeng magkasalo kayo sa isang plato lamang (natural!), at hindi pwedeng may tira. Kung kaya't pagkatapos mong kumain ng tanghalian o hapunan, bundat na bundat ka na talaga. Pero siyempre, hindi naman pwedeng wala kang panghimagas, hindi ba? Pang-alis umay daw. At siyempre pa, para sulitin mo naman ang bayad.

Yan naman din talaga ang tumatakbo sa utak natin di ba? *Isip* "Naku, binayaran na natin yan, kailangan sulit. Damihan na natin ang kain." Kaya hayun, ang iba, kung kumain, akala mo wala nang bukas. Subalit hindi ko talaga masisi rin naman ang mga ito. Nandiyan na nga din lang naman, eh di huwag mo nang sayangin.

Pero para sa akin, isa talaga ang resulta ng pagpunta sa mga buffet, bukod sa pagkabundat ng tiyan. Tama na muna. Busog na busog na ako.

6:27:00 p. m. |

miércoles, enero 16

Eksena sa NAIA
Bakit nga ba ang mga Pilipino, kapag may darating na kamag-anak na galing sa ibang bansa, kailanga'y halos isang barangay ang sasalubong sa paliparan? Magpunta ka sa Ninoy Aquino International Airport, at makikita mo sa paradahan na napakaraming malalaking sasakyan. May mga dyip, L-300, FX, at anu-ano pang malaking sasakyan hindi lamang upang magkasya ang mga balikbayan box na dala ng mga turista/balikbayan, kungdi para na rin magkasya ang lahat ng mga sumasama para sumalubong.

Habang naghihintay sa pagdating, ang iba'y nakaabang sa Arrival area, samantalang ang iba naman ay nasa sasakyan lamang at nagkukuwentuhan. Siyempre pa, may baon ang mga iyan na kanin at ulam (malamang, adobo, para hindi mapanis). Nagpapaypay dahil nakabilad sila sa init ng araw; palibhasa'y hindi pinapapasok sa loob ng paliparan ang mga taga-pagsalubong. Taliwas ito sa mga paliparan sa ibang bansa, na kung saan napakadali lamang magsundo. Papasok ka sa loob ng airport, hanapin mo ang sasalubungin mo, at saka pwede na kayong umalis.

Subalit marahil nga'y hindi pwedeng ganon ang maging sistema dito sa atin. Malamang nga'y kung gayon, mas gumulo pa sa loob ng NAIA, eh ngayon pa nga lang ay napakagulo na. Pero nakakaawa din talaga ang mga nagnanais na sumundo sapagkat ang laki din talaga ng hirap na inaabot nila sa paghihintay.

Bakit nga ba nagtitiyaga ang mga ito? Para ba kunin agad ang pasalubong nila? Hindi. Ginagawa nila ito upang ipakita sa kanilang nagbabalik na kamag-anak o kaibigan na napakahalaga nito para sa kanila. Pinapakita nilang kaya nilang magsakripisyo para lamang masundo at makita siya agad sa kanyang pagbabalik dito sa bansa. Kung kaya't hindi mo talaga maikakaila na masarap pa din talaga dito sa Pilipinas. Kahit sabihin mo pang madumi, mainit, matrapik at kung anu-ano pa, wala pa ding makakapantay sa init ng pakikisama at pagmamahal na matatanggap mo dito.

8:53:00 p. m. |

lunes, enero 14

Grabe! Labis akong nabahala nang nakita kong nakapaskil sa isang MSN Community board ang isa sa aking mga isinulat dito. Nakita ko bilang isang referral ang link na iyan, at sa aking laking pagkagulat, nakacut-and-paste na ang aking inilathala dito. Para lamang sa kaalaman ng lahat, hindi ako ang naglagay niyan diyan, at wala akong kinalaman sa paglagay niyan diyan.

In English, for the benefit of those who might have followed the link posted in that page, I was not the one responsible for what Raja/Jawinder Singh posted on the MSN Community Board. The entry was copied from my blog and posted to that board without my knowledge, and certainly not without my permission.

Napa-ingles tuloy ako. Hmph.

7:49:00 p. m. |


Psst, kung may panahon kayo at gutom para sa nakakatuwang pahinang pampinoy, punta na kayo sa Ate Sienna's Pansitan. Sigurado akong maaaliw kayo dito. Puntahan ninyo yung pagsusulit tungkol sa pagiging jologs. Nakakaaliw talaga.

5:11:00 p. m. |

sábado, enero 12

Naku, matagal-tagal din pala akong nawalan ng mga guni-guni. Medyo napabayaan ko pala ito. Wala naman talaga akong mahalagang pinagkakaabalahan. Medyo nawaglit lang ito sa utak ko. Alam ninyo naman, dumaan ang kapaskuhan at lahat. Medyo marami lang yata akong ibang pinaggagawa liban dito sa aking blog na ito.

Alam ninyo, meron akong kailangang ipahiwatig sa inyo. Noong isang araw, nagtitingin-tingin ako sa isa bang pahina dito sa Internet. At doon, nagkaroon ng isang kontrobersiya tungkol sa isang babae sa Taiwan daw, na nagkukunwaring isa siyang totoong tao upang magkuwento ng mga mapangahas na istorya ng kanyang buhay bilang Amerikana (yata) sa Taiwan.

Napag-isip tuloy ako. Kasi, sa totoo lang, hindi naman Kris ang pangalan ko. Ginagamit ko lamang itong panulat para sa Mga Guni-Guni sapagkat ito ay isa lamang pagsubok para sa akin: ang makapagsulat ng isang matinong blog na gamit ang wikang Filipino. Sa palagay ko nama'y hindi ako dito nagpapahayag ng mga bagay na hindi nangyayari talaga sa akin. Yun nga lang, nakatago ang aking tunay na pangalan. Meron sigurong iba sa inyo na nagbabasa ng aking orihinal na blog, at ni minsan ay hindi ko iyon nabanggit dito sapagkat gusto kong magkaroon ng ibang pagkakakilanlan ang Mga Guni-guni, kesa sa blog na iyon. Wala akong intensyong manglinlang, pero hindi ko lang ibinibigay ang aking tunay na pangalan rito.

Ngayon, isang tanong lamang: masama ba ito?

8:33:00 p. m. |


Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at pananaw ng manunulat. 


Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang Pilipino sa anumang pagkakataon.


arinola
bottledbliss
child of sorrow
eleven point zero: geeky crap
« # FlipBlogs ? »
h.a.n.d. Municipal
happy sammy
literary attempts
nowhereville, usa
pansitan.com
the philippine daily inquirer
rice bowl journals
shae's webturf
sunny side up
tekstong bopis



guestbook: paautograph naman!
e-mail
salamat sa papemelroti, ang pinagkunan ng mga larawan para sa mga guni-guni!



-- H O M E --

FreeGraphicsFrom.GIF (2678 bytes)

mga komento: YACCS salamat din sa blogger