lunes, febrero 25

Ayan, medyo nag-iba naman ang itsura nitong Mga Guni-guni. Nagkakulay ng konti (o ng marami ba?), at medyo umayos yata ang pagkakalagay ng mga iba-ibang elemento nitong pahinang ito. Natuwa kasi ako masyado nang makita ko ang mga larawan sa Papemelroti eh. Akmang-akma sa pagiging Pilipino nito, pati na rin sa hinahanap kong pagiging mas makulay. Medyo nagsawa na rin kasi akong puro na lang berde ang nasa pahina ko eh.

O siya, maiba naman ako..kamusta naman ang inyong Pebrero 25, na mas kilala bilang anibersaryo ng People Power. Naaalala ko pa..nung Edsa 1, hindi ako nakasama sa aking mga magulang sa pakikipaglaban laban sa diktadurya noon. Sabagay, siyete anyos pa lang naman ako noon. Pero bukod pa dito, ito'y dahil sa may bulutong ako noong panahong iyon. Oo, tandang-tanda ko pa, na habang nagkukumpulan ang mga tao sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue, nagkukumpulan din ang bulutong na lumalabas sa aking katawan noong panahong iyon.


Paano mo naman ipinagdiwang ang araw na ito? Isa ka ba sa mga nakinood sa pagdiriwang na ginawa sa Edsa, o nagdiwang ka lamang ba dahil sa walang pasok at nadagdagan ang araw ng pagpapahinga at pagliwaliw?

8:12:00 a. m. |

miércoles, febrero 20

Lupang Hinirang

Nakapanood ako ng sine kahapon, at dahil unang palabas ang pinanood namin, pinatayo ang lahat para sa pambansang awit. Pinalagay rin ang kanang kamay sa kaliwang dibdib, na siyang ginawa ko dahil nakasanayan ko na rin ito. Subalit habang nasa likod ako at tumitingin sa aking paligid, nagulat ako nang mapansin kong ako lamang ang gumawa non. Bakit nga kaya hindi natin magawa ang simpleng bagay na ito?

Nakakahiya bang gawin ito dahil sa ito'y isang simpleng pag-amin ng pagmamahal sa bayan? Tinatamad lamang ba ang mga tao at nangangawit sa paggawa nito sa loob ng isang buong kanta? Bakit nga kaya?

6:55:00 p. m. |

lunes, febrero 18

Pagligo

Kapag hindi ka rin lang aalis ng bahay, anong oras ka naliligo? Naliligo ka ba oras na gumising ka, o hinihintay mo munang makakain ka pagkatapos saka na maliligo? O katulad ka ba namin ng kapatid ko na kung nasa bahay lang ay nakakatamaran ring maligo. Kasi hindi nga ba medyo nakakatamad yung paghihintay na uminit ang tubig, tapos pagkaligo ay magpapatuyo ka ng buhok at mag-aayos? Hindi naman yung pagligo mismo ang nakakatamad, kasi siyempre naman sa klima ng bansa natin, sino nga ba ang hindi gugustuhing maging maaliwalas ang pakiramdam pagkaligo, hindi ba? Pero ewan ko sa inyo, pero ako minsan tinatamad din.

Huwag ninyo namang isipin na hindi ako naliligo araw-araw, kasi ginagawa ko naman yon. Hindi ko rin naman yata kayang hindi maligo, 'no! Yun nga lang, minsan, naliligo ako kapag hapon na, o kaya minsan nama'y inaabot na rin ng gabi bago ako pumasok ng banyo upang maligo. Pero pag naligo naman...hay, kay sarap. Nilalasap ang pagdampi ng tubig sa init na init na katawan. Hilod, kuskos, sabon, shampoo..banlaw, banlaw, banlaw.

Pero hindi nga, sa totoo lang...tinatamad ka din ba? Sagutin mo naman ang katanungan ko, o!

1:03:00 a. m. |

domingo, febrero 10

Napansin ninyo bang napakainit ng araw ngayon? Kanina, papunta kami sa Laguna upang makipagdiwang sa kaarawan ng aking tiyahin, at habang nasa sasakyan ako, ramdam na ramdam ko ang init ng araw na tumatagos sa aking itim na pantalon. Buong araw tuloy, parang nakakasakit lamang ng ulo dahil sa tindi ng init. Hay. Ganyan na ba kalapit ang tag-init?

..............................................................................

Sunud-sunod pala ang mga okasyon sa linggong ito. Bagong Taon ng mga Tsino sa Martes, Pebrero 12. Nasaan na kaya ang tikoy ko, hmm? Sa Miyerkules nama'y Miyerkules de Abo. (Hehe, hindi ko alam kung yan nga ba ang tamang salin para sa Ash Wednesday, pagbigyan ninyo na.) Samantala, sa Huwebes na pala ang Araw ng mga Puso. Ano kaya ang mas mapupuno, ang mga simbahan sa Miyerkules, o ang mga sinehan, restawran, motel, at mga hotel sa Huwebes?

2:12:00 a. m. |

domingo, febrero 3

Naalala ko nga pala ito ngayon. Mga ilang taon na rin ang nakakaraan, kasama ko ang nakababata kong kapatid sa Maynila. Galing kami sa opisina ng aking ina, at patungo naman kami sa pamantasan na aking pinapasukan. Nagkataon naman na may pupuntahan rin siyang malapit doon, kaya't magkasabay na kami. Ngayon, katulad ng maraming Pilipino, nakagawian ko nang magkrus kapag dumaraan sa simbahan. Pagdaan namin sa simbahan ng Quiapo, nagkrus ako, at itinuloy ko na ito sa isang dasal, dahil kukunin ko yata ang mga marka ko para sa semestreng iyon.

Siyempre pa, pagkatapos ng aking dasal, nagkrus ulit ako. Laking gulat ko lamang ng nakita kong nagkrus din ang kapatid ko. Tinanong ko siya kung bakit niya ginawa iyon, at ang tanong niya sa akin ay: "Nasaan ang simbahan dito?", sabay dungaw sa bintana upang hanapin ang dahilan ng aking pagkrus. Natawa na lamang ako dahil nga sa wala namang simbahan doon, pero ginawa niya ang krus bilang paggaya lang sa akin.

Napag-isip ako tuloy ngayon. Napakaraming bagay na ginagawa natin dahil lamang sa nasanay tayo. Minsan, hindi na natin alam kung bakit natin ito ginagawa. Katulad na lamang ng mga batang musmos na pinipilit pagmanuhin sa lahat ng nakakatanda. Hindi pa naman nila alam na tanda ito ng respeto, at ginagawa lamang nila ito dahil sa sinasabi sa kanilang gawin nila iyon. At ngayon naman, parang ganon din. Kahit na may mga kamag-anak na alam mong hindi naman karapat-dapat na pagmanuhan, mawalang-galang na nga lang po, ay nagmamano pa rin tayo dahil sa mas matanda sila sa atin.

Hindi ba mas maganda kung ang mga aksyon natin ay bukal sa loob, at hindi lamang dahil sa inaasahang gawin natin ito?

6:21:00 a. m. |


Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at pananaw ng manunulat. 


Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang Pilipino sa anumang pagkakataon.


arinola
bottledbliss
child of sorrow
eleven point zero: geeky crap
« # FlipBlogs ? »
h.a.n.d. Municipal
happy sammy
literary attempts
nowhereville, usa
pansitan.com
the philippine daily inquirer
rice bowl journals
shae's webturf
sunny side up
tekstong bopis



guestbook: paautograph naman!
e-mail
salamat sa papemelroti, ang pinagkunan ng mga larawan para sa mga guni-guni!



-- H O M E --

FreeGraphicsFrom.GIF (2678 bytes)

mga komento: YACCS salamat din sa blogger