sábado, marzo 23

Semana Santa

Palaspas na pala bukas. Magsisimula na ang Mahal na Araw. Dahil sa karamihan sa mga Pilipino ay Katoliko, ito ang isa sa mga panahon na halos lahat ay nagbabakasyon. Kasi naman, kapag Miyerkules Santo ba o Huwebes Santo ay wala nang pasok ang mga opisina. Sabi nila, para daw maobserbahan ang Mahal na Araw.

Pero ano nga ba ang ginagawa ng mga Pilipino pag Mahal na Araw? Sari-sari. Merong ibang mga deboto na nagpapapako sa krus; meron namang sumusunod sa mga prusisyon o kaya'y sumasali sa pabasa. Meron din namang mga nanonood ng senakulo. Ang iba'y ginagamit talaga ang panahong ito para sa mataimtim na pagdarasal at pagninilay-nilay sa kanilang mga kasalanan at sa paghingi ng patawad para dito.

Samantala, karamihan naman, kaya mahal ang mga araw na ito, ay dahil sa ito lamang ang pagkakataon nilang makapagbakasyon. Kaya hindi nga ba't napakalakas ng bentahan ng mga tiket sa bus, tren, at eroplano pagdating ng Semana Santa? Nagsisiuwian sa mga probinsiya ang mga tao, o di kaya nama'y magpupunta lamang sa mga pasyalan, o kaya sa mga bakasyunan tulad ng Boracay, Puerto Galera, Davao, Subic, Cebu, at kung saan-saan pa. Hindi mo rin naman sila masisisi dahil sa para sa marami, ito lamang ang pagkakataon nilang makauwi sa kanilang probinsiya.

Ikaw, ano naman ang nakagawian mong gawin kapag Mahal na Araw?


2:06:00 a. m. |

domingo, marzo 17

Hay, ang sarap ng Curly Tops! Nakatikim ka na ba nito? Ito yung tsokolate na gawa ng Ricoa, nakalagay sa manipis na dilaw na papel (parang macaroon na tsokolate), at nakalagay sa isang parihabang karton. Ricoa rin yata ang gumawa ng Flat Tops, na isa pa ding paborito ko.

Ang daming masarap na tsokolate at kending gawang lokal lamang, katulad na lamang ng lollipop na Boom Boom, Goya cubes, Serg, at Nips. At siyempre pa, pag pinag-usapan ang mga lokal na tsokolate, sino ba ang makakalimot sa Chocnut? Makita mo pa lamang ang balutan nitong puti na may guhit-guhit na pula, sigurado akong matatakam ka na.

Kaya naman noong bata pa kami ng mga kapatid ko, nilalakad namin ang pinakamalapit sa aming sari-saring tindahan at bumibili na ng mga kending ito. Bumibili din kami ng Big Boy, Bazooka Joe (masarap siya, at saka may komiks pa sa loob), White Rabbit (pwede mong kainin yung papel na nakabilot sa kendi), Cloud Nine, Peter's Butter Ball (paborito ko ito..yung bilog na kendi na nakabalot sa dilaw na plastik), at para naman sa mga babae, ang pamalit na pangkulay sa bibig, ang Lipps.

10:05:00 p. m. |

viernes, marzo 15

Nung isang araw, nasabi ko sa tatay ko na bagamat maraming naghihirap sa Pilipinas, parang hindi mo naman ito makita kapag nagpunta ka sa SM, o kung saan pang pamilihan. Siksikan ng mga tao, naglalakad, nagpapalamig, namimili ng konti. Parang lahat ay masaya at walang problema.

Natauhan ako sa sagot niya. Sabi niya, napakaliit lamang na bahagi ng populasyon ang nakikita natin doon. Oo nga naman. Sa bawat isang taong nakikita natin sa mga lugar na ito, sampu ang nasa loob ng mga maliit nilang tahanan, o di kaya'y naghahanapbuhay upang magkapera para may mapakain sa pamilya. Napakarami na wala man lamang sapat na pera para makarating sa mga lugar na ito. O di kaya nama'y nasa mga probinsiya na walang ganitong mapupuntahan. Na simple lamang ang buhay: magkakasama lamang, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, nagtatanim, nagluluto.

Ganon kasi talaga. Hindi mo naman napapansin ang mga bagay kung hindi mo talaga nakikita. Akala natin, lahat ng tao, ganito din ang buhay. Na lahat pwedeng makapag-Internet. Na lahat pwedeng manood ng sine, maghanap ng mga librong gusto nating basahin, na manood ng telebisyon.

Kapag naintindihan natin na hindi lahat ng tao'y nakakaranas ng mga ito, siguro kahit papaano, maiisip nating talaga na swerte tayo. Siguro nga ang sikreto talaga'y ang pagpapahalaga sa kung anong meron ka. Kahit ano pa ito. Ang pagiging kuntento, at hindi pagrereklamo masyado. Ang pagpupursigi, ng walang pagkakainis sa kasalukuyang kinatatayuan sa buhay.

6:57:00 a. m. |

viernes, marzo 8

Sa totoo lang, minsan ayoko nang manood ng mga programang pangbalita sa telebisyon eh. Nakakataas lang kasi ng presyon, laluna't makita mo si Erap na nagpapaawa. Mabuti sana kung talagang nakakaawa siya eh, pero hindi naman. Para sa krimen na nakasampa laban sa kanya, na mukha namang malaki ang ebidensya, napakarami nang mga pagbibigay ang iginawad sa kanya ng hukuman. Saan ka nga ba naman nakakita ng preso na nakapiit sa isang ospital? Na nagpkain pa nung pasko? Na si Jinggoy ay pwedeng magpunta sa Makati Medical Center ng walang paalam sa Sandiganbayan (oo, nangyari na ito). Na pinapaluto pa talaga ng espesyal ang pagkain? Na nakaboto pa nung nakaraang eleksyon?

Ang nakakainis pa dito, magulo na nga ang bansa natin dahil sa Abu Sayyaf, trapiko, polusyon, korupsyon, mga protesta laban sa Balikatan at kung anu-ano pa, andiyan pa ang kaso ni Erap na nagbibigay ng isang malaking hidwaan sa mga Pilipino, ang mga maka-erap at ang mga kontra sa kanya. Sabi nga ng tatay ko, kung ang gusto ni Erap ay ang kapayapaan at ang mas makakabuti sa bayan, gagamitin niya ang impluwensiya niya upang lalong sabihin sa mga ito na dapat suportahan ang hustisya sa ating bansa. Hindi ang lalo pang pag-igtingin ang kanilang galit sa gobyerno. Bilang dating pangulo, dapat pa nga'y lalo niyang iparating sa kanila ang mensahe na dapat nating suportahan ang gobyerno, hindi ba?

Sa dinami-dami ng problema ng Pilipinas ngayon, napakasaya siguro kung magkaisa ang lahat ng Pilipino upang ayusin ang ating bansa sa ating mumunting paraan. Imbis na isipin lamang ang pagkakanya-kanya, bakit kaya hindi nating magawa ang mas makabubuti para sa ating lahat? Tutal, pag nagawa naman natin ito, hindi ba't lahat naman tayo'y giginhawa din at mas papayapa?

Siguro nga'y masyadong simplistoko ang hiling kong ito. Pero hindi ba minsan, ang malalaking bagay ay nagaganap dahil sa simpleng paraan lang? Pilipino tayong lahat. Alam kong kahit papaano, kahit na saang lupalop ng mundo man kayo, may nararamdaman pa rin kayong kahit katiting na pagmamahal sa inang bayan. At kung ang bawat katiting na yon ay pagsasamahin natin at pagyayamanin, sino nga ba naman ang makapagsasabing wala nang pag-asang pumayapa at umunlad ang Pilipinas.

6:33:00 p. m. |

martes, marzo 5

Ayan, may paraan na rin kayo para mag-iwan ng komento para sa bawat entrada dito. Hmm. Tama nga ba yon? Minsan nakakalito na talaga. Pero basta, alam mo na yon!

11:49:00 p. m. |


Ano kaya kung gawin ang isang Formula One Grand Prix dito sa Pilipinas? Paano kaya yon gagawin? Hmm. Una, saan? Sa South Super Highway ba? Sa kahabaan ng Edsa? Sa C5? Sa Roxas Boulevard? Dahil dapat may iikutan at may mga kurbada, dapat siguro magsimula ito sa panulukan ng Edsa at Ayala Avenue, dire-diretso hanggang sa Edsa-Ortigas papuntang C5, liko na naman sa bandang Fort Bonifacio para makaraan sa Mckinley, at balik na naman sa Edsa, at paikot na naman.

Magiging malaking pagsubok ito sa mga katulad nila Michael Schumacher, David Coulthard, Juan Pablo Montoya, Eddie Irvine, at kung sinu-sino pa. Bakit kamo? Una, hindi patag ang lahat ng madadaanan nila. Sa totoo lang, kawawa ang mga kotseng gagamitin nila, laluna't napakababa pa naman ng mga kaha nito. Dahil dito, kailangang palagi silang pumreno para hindi madisgrasya. Pangalawa, mahihirapang lampasan ng isang tsuper ang kabilang kotse sapagkat medyo makipot nga talaga. Pangatlo, May mga dadaanan silang pailalim, at pataas pa. Kailangang pag-aralang mabuti ang stratehiya nila kung paano nila ito gagawin!

At kung gagawin naman ito dito sa atin, paano kaya ang mangyayari? Baka buong batalyon ng sandatahang lakas nati'y ipadala sa kaganapang ito upang magarantiyahan ang seguridad ng lahat. Magkukumpulan ang lahat ng tao, kahit na wala silang tiket, para sumilip sa GP. Napakarami ring magpapapirma sa mga tsuper, kahit na sino pa man sila. Basta maputi, sabi nila.

Ano sa palagay mo?

11:31:00 p. m. |

viernes, marzo 1

Alam ninyo ba kung ano ang sinusulat ng mga inspektor ng bus sa kanilang maliit na aklat? Matagal ko na kasing naiisip yon. Kasi di ba ang ginagawa nila ay, kinukuha nila ang tiket mo, tapos pinupunit, tapos saka lamang sila lumilipat sa susunod sa pasahero. Pagkalipas ng ilang mga pasahero, may sinusulat na sila. Hindi ko naman mawari kung ano ang sinusulat nila. Ano kaya, ang mga numerong nakalagay sa iyong tiket? Kung magkano ang mga tiket na iyon? Kinakalkula ba niya sa utak niya kung magkano na umaabot yon? Ano kaya?

4:17:00 a. m. |


Ang Mga Guni-guni ay isang pahina na naglalaman ng mga saloobin ng may-akda sa wikang Filipino, Ginagamit lamang ang Ingles sa mga pahinang ito sa pagkakataong walang salin ang mga salitang kailangan sa wikang Filipino. Iba-iba ang mga paksang napapaloob dito, at ang lahat ay pawang mga saloobin, opinyon, at pananaw ng manunulat. 


Itago ninyo ako sa pangalang Kris. Isang dalampu't tatlong gulang na babae na ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, naniniwala siyang mahalagang patuloy na pagyamanin ang kulturang Pilipino sa anumang pagkakataon.


arinola
bottledbliss
child of sorrow
eleven point zero: geeky crap
« # FlipBlogs ? »
h.a.n.d. Municipal
happy sammy
literary attempts
nowhereville, usa
pansitan.com
the philippine daily inquirer
rice bowl journals
shae's webturf
sunny side up
tekstong bopis



guestbook: paautograph naman!
e-mail
salamat sa papemelroti, ang pinagkunan ng mga larawan para sa mga guni-guni!



-- H O M E --

FreeGraphicsFrom.GIF (2678 bytes)

mga komento: YACCS salamat din sa blogger